‘Mga sariwang peklat’ (Huling bahagi)
TINITIGAN niya ang asawa… tagos hanggang laman ang kanyang tingin. Halos matunaw si Danny. Tinitigan din siya, akmang lulusubin…
Bago pa lamunin ng buo, tumalikod siya. Mabilis na pumasok sa kwarto.
Nung Miyerkules tinampok namin sa aming pitak ang inabot ng noo’y 7 taong gulang na si “Kathryn” (di tunay na pangalan) mula sa ama nito. Si Daniel Delos Santos o “Danny”, 50 anyos.
Isang linggong hindi inimik ni “Malen” ang mister. Sinubukan niyang balewalain ang nakita subalit binabagabag siya ng tagpong iyon.
Kinumpronta niya rin ito, “Akala mo ba, hindi ko alam ang ginagawa mo sa anak mo…!”
Nagulat ang mister. Nataranta nautal-utal sa pagpapaliwanag, “Wala akong ginagawa… kahit ipa-medico legal examine mo pa yan!”
“Hindi ko na kaya to Danny! Aalis na kami ng mga anak mo!” wika ni Malen. Nagmakaawa si Danny, sinuyo ang asawa at nangako umanong “Wala na akong gagawin!”
Mas naghinala si Malen sa narinig. Sa tono ng salita ng mister mukhang may ginawa nga siya kay Kathryn. Lumayas sila sa bahay at tumuloy sa ina.
Nagsumbong si Malen sa mga hipag subalit ayaw daw silang paniwalaan.
Dalawang linggo makalipas, nakiusap si Danny na umuwi ang mag-ina. Unti-unting lumambot si Malen.
“Ilang ulit kong pinaamin ang anak ko kung anong ginagawa ng ama. ‘Di siya umamin. ‘Wala Mommy…’ sabay yuko si Kathryn,” kwento ng ina.
Bumalik sa bahay ang mag-iina. Sa halip na magtino ang mister mas napadalas ang pambubugbog nito sa misis maging sa mga anak.
Isang araw, taong 2009, umuwi si Malen na butas na ang dingding ng bahay dahil sa suntok ng mister. Maging kilay ng panganay na itinago namin sa pangalang “Karl”, 16 anyos, putok rin. Puno ng dugo at pasa ang mukha.
Pinagpapalo niya ng payong ang mister sa galit. Hindi siya tumigil hangga’t ‘di nabali ito. Pinalayas na niya si Danny sa bahay.
Tuluyan silang naghiwalay. Nobyembre 2009, umalis ng bansa si Danny papuntang Saudi. ‘Di na nagawa ng mag-iinang ihatid pa siya. Ni anino nila Malen hindi na niya nakita hanggang mawalan na sila ng komunikasyon.
Hulyo 2012, tumawag muli si Danny sa mga anak. Maayos na sana subalit nitong huli buwan ng Setyembre, bigla na lang nag-alboroto si Danny.
Muling gumulo ang noo’y tahimik na sanang buhay ng mag-iina.
Patuloy daw ang pananakot ng mister, “Kamusta ka na? Maghanda ka na ng pamburol mo. Papatayin kita!” sabi raw ni Danny.
Mistulang baliw umano ang mister. Tatawag, magbabanta… bago matapos ang araw muling tatawag, manunuyo at hihingi ng tawad. Palalampasin dapat ni Malen ito subalit isang lihim ang natuklasan ng ina. Kinausap siya ni Karl.
“Dose anyos ako nun Ma… alam ko ang lahat. Kung hindi aamin si Kathryn, ako na lang ang magsasabi,” panimula ni Karl.
Kwento ni Karl, ilang beses niyang nahuli ang amang nakapatong sa kapatid o kung ‘di man nakalusot ang ulo sa palda nito. Habang nasa ‘terrace’ nakita niya mula sa bintana ang parehong insidente. Nahuli siya ng amang nakasilip. Sinara nito ang bintana. Nilabas siya sabay tanong, “Anong ginagawa mo dyan?”
Wala siyang naisagot. Lumabas na lang siya ng bahay.
Kinumpronta ni Malen ang mister. “Alam ko na! Umamin na si Karl! Hayop ka! Alam ko na kung anong ginawa mo kay Kathryn!”
“Anong sinabi ni Karl? Kalimutan mo na yun Malen. ‘Di naman natutuloy. Nakokontrol ko pa sarili ko. Kahit ipa-medical mo pa si Kathryn. Walang nangyari, ‘di ko nasira…” pag-amin umano ng mister.
Kinilabutan si Malen sa narinig. Halos masuka siya lalo na ng igiit umano ni Danny na si Kathryn ang may gusto… nadala lang daw siya.
“Sira ka pala eh. Baliw ka! Ikaw ang may isip kesa anak mo… sarili mong dugo’t laman!!! Baboy ka!” matigas na sabi ni Malen.
Matapos ang pag-aming ito, inamin na rin ng anak na si Kathryn ang nangyari. Maging kami nagkaroon ng pagkakataon na makausap ang biktima.
Ayon sa kanya, pitong taong gulang siya ng mangyari ang pang-aabuso.
Nung una, gigising na lang siyang nakapatong na siya sa dibdib ng ama.
“Mamamalayan ko na lang, kinikiskis niya ako sa katawan niya…” salaysay ni Kathryn.
Nung bumukod sila ng bahay, mas matindi ang sinapit niya. Patutulugin silang magkakapatid ng tanghali. Kapag nakaidlip na ang dalawang kapatid na lalake, lalapit siya sa kama nito. Hinuhubad ang kanyang panty. Hinahalikan ang kanyang ari at pilit pinapasok ang ari at daliri ng ama, ayon kay Kathryn.
“Tinatadyakan ko siya pero pinipilit niya pa rin,” pagsasalarawan nito.
Matapos gawin ang kababuyan, hihingi ito ng tawad at magbabanta. “Sorry anak ah! ‘Wag kang magsusumbong… magkakagulo,” sambit daw nito.
Sa tuwing maalala ito ni Kathryn, bumabalik sa kanya ang galit… Galit na nagpeklat na subalit habambuhay mananatiling sariwa.
“Dati ‘di ko alam na masama ang ginagawa niya pero ngayon alam kong mali. Hindi niya dapat ako ginanun!” wika ni Kathryn.
Ito ang dahilan ng pagpunta nilang mag-iina sa aming tanggapan.
Itinampok namin sila sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).
Bilang aksyon, pinapunta namin sila sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kay Dir. Samuel Pagdilao. Inasistehan sila ng kanyang Chief of Staff na si C/INSP. Ivy Castillo para magsampa ng kasong Statutory Rape, Rape in relation to R.A 7610.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi ito ang unang beses na makakarinig tayo ng pananamantalang ginawa ng sariling dugo’t laman at nangyari sa loob mismo ng isang tahanan. Nakakataas ng dugo madinig kung paano magagawang gahasain at abusuhin ng isang ama ang sariling anak. Kung tao ka man, anong uri ng tao ka? Kumakain ka ng sarili mong laman? Kung totoo nga lahat ng kinwento sa amin ni Kathryn, mukhang hindi lang simpleng kamanyakan meron ka Danny. Sakit na yan!
Sa mga katulad ni Kathryn na ilang taon rin ang tinagal bago magreklamo, maging sensitibo tayong mga magulang dahil malalaman niyo naman kung may dinaramdam o may mabigat na problema ang inyong mga anak.
Magandang komunikasyon at pakikitungo sa ating mga anak ang susi para sila’y ating magabayan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming mga numero 09198972854 (Monique) 09213263166 (Aicel) at 09213784392 (Pauline). Landline 6387285, 24/7 hotline 7104038. Address: 5th Floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd. Pasig.
***SA puntong ito nais kong batiin si Brenzis Ramos ng isang Happy Birthday mula sa amin dito sa CALVENTO FILES, Pilipino Star Ngayon, PM at DWIZ. Si Brenzis ay panganay na anak nina Benjie at Rose Ramos, mga malapit na kaibigan ng inyong lingkod. Imbitado kayong lahat na pumunta sa Manila Hotel sa Kaori Restaurant sa Lunes 6:00PM para sa isang libreng hapunan.
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest