Sapat na parusa!
SALAMAT sa pagsipa ng San Beda College of Law sa mga miyembro ng Lex Leonum Fraternity na sangkot sa pagpatay kay Marc Andrei Marcos na biktima ng hazing. Marami na ang naging biktima ng madugong hazing, pero halos walang pakialam ang mga kolehiyo. Marahil ay maimpluwensiya ang mga nakatatandang mga miyembro, kaya nababaon na lamang sa limot!
Dalawampu’t pito ang sinipa ng San Beda. Walo naman ang suspindido at absuwelto naman ang isa. Dapat masabihan ang lahat ng kolehiyo ukol sa 27 iyan na sila’y sinipa dahil sa hinala na may kinalaman sila sa pagpatay kay Marc Andrei Marcos, para hindi na rin sila makapasok sa ibang law school! Dapat ganun ang patakaran ng lahat ng paaralan na kung sangkot sa isang krimen, hindi na basta-basta makakapasok!
Sana magsilbing mensahe ito sa ibang fraternity na hindi matanggal ang pananakit ng tao. Mga pasaway ukol sa hazing, na malinaw ay bawal sa batas ng kolehiyo at bansa! Pero dahil mas umiiral ang tradisyon kaysa sa pagsunod sa batas, at puro mga kilalang abogado naman ang mga alumni ng ibang law fraternity, wala na silang pakialam kung bawal man! May mga kongresista at senador pa nga na ipinagtatanggol pa ang kanilang mga fraternity kahit may namatay na! Ganito kabaluktot ang pananaw ng mga iyan! Eh ano ngayon kung may namatay, basta’t magkaka-brod tayo! Nasipa na mula sa kolehiyo. Dapat makasuhan at kapag nahatulang may sala, makulong. Diyan pa lang magiging tunay na sapat ang hustisya para kay Marc Andrei Marcos.
At para naman sa mga gusto pang sumali sa fraternity, sana mag-isip silang mabuti. Maraming magagaling na abogado na hindi naman miyembro ng fraternity. Hindi ito kinakailangan para maging abogado. Sa totoo lang, balakid pa nga. Tanungin n’yo na lang ang 27 sinipa!
- Latest



















