P-Noy ‘pinababayaan’ang sariling rehiyon
IISA ang daing nang marami kong nakakausap na pinunong politika, negosyo at sibika sa Central Luzon. Pinababayaan umano ni Presidente Noynoy Aquino, na taga-Tarlac, ang sariling rehiyon.
Papano nila nasabi ito? Wala umanong malaking programang infrastructures, transportasyon, turismo, industriya, o agrikultura sa Central Luzon ang Aquino administration. Nang maging congested ang Manila International Airport, hindi ginawang natural extension nito ang Clark International Airport. (Ang MIA ay isa sa pinaka-pangit na airport sa mundo, anang survey ng mga turista; samantalang ang Clark ang pangatlong pinaka-magandang free zone airport, anang Financial Times ng London.) Sa halip, gumasta nang mas malaki ang gobyerno para ga-wing night-capable ang iba’t ibang airports. At hanggang ngayong sarado ang Subic International Airport, mula nang umalis ang Federal Express isang dekada na ang nakalipas. Kinansela na rin ang NorthRail project, na tren sana mula Metro Manila patungong Clark. Ni bus shuttle service ay hindi hinikayat. Kaya wala ring turismo, kalakal, at bagong hanapbuhay sa Central Luzon.
Samantala, nu’ng State of the Nation ni Aquino nu’ng Hulyo, ibinida niya ang pagtayo ng bagong international airports sa Legazpi, Bohol at Cagayan de Oro. Pero, aniya, saka na ang Clark-Subic dahil makakapaghintay naman umano ang mga ka-rehiyon niya.
Ang Central Luzon ay pumapangalawa sa Metro Manila na pinaka-siksik ang populasyon. Nangangailangan ito ng tulong ng national government upang sindihan ang kaunlaran. Hindi nais ng mga nakakausap kong pinuno sa Central Luzon na pagkaitan ng atensiyon at pondo ng gobyerno ang ibang rehiyon. Huwag lang sila pabayaan, anila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest