Editoryal - Parami nang parami ang umiinom at nagyoyosi
NAKABABAHALA ang isang pag-aaral na parami nang parami ang mga naninigarilyo at umiinom ng alak at kabilang dito ang mga menor-de-edad. Lantaran na ang paninigarilyo at pag-inom at wala nang kinatatakutan. Madali lang bilhin ang alak at sigarilyo sa bansang ito kaya maraming kabataan ang nalululong sa bisyo.
Sa isa pang kagulat-gulat na survey na lumabas kamakailan, mas maraming babae umano ang ma-lakas uminom ng alak ngayon kaysa sa kalalakihan. Sa survey na ginawa ng Radio Veritas, lumalabas na 52 percent ang mga babaing umiinom ng alak at 48 percent naman ang lalaki. Ito ay ginawa sa buong bansa at 2,500 respondents ang tinanong.
Sa pagdami ng manginginom na babae, malaki ang posibilidad na marami rin sa kanila ang magkasakit.
Sa nangyayaring ito, nararapat na ngang isulong ang Sin Tax Bill. Magkaisa ang mamamayang nagmamahal sa kanilang kalusugan para puwersahin ang Senado na ipasa ang batas. Matagal nang pinagde- debatehan ng mga senador ang Sin Tax bill pero walang nararating. May isang senador na sa halip itaas ang buwis ng sigarilyo ay binababaan pa. Dismayado ang BIR at DOH sapagkat ang projection na kikitain sa alak at sigarilyo ay bumaba. Sa pagsusuma ng BIR, aabot sa P60-bilyon ang kanilang kikitain. Ang DOH naman ay umasang malaki ang mapapakina-bang ng mga maysakit at ospital kapag tinaasan ang tax sa sigarilyo at alak. Pero maraming nadismaya sapagkat mahigit pa sa kalahati ang ipinanukala ng isang senador na kikitain sa Sin Tax.
Sa kasalukuyan, tanging si Sen. Miriam Defensor-Santiago na lang ang may tapang na magsulong ng kanyang bersiyon ng Sin Tax bill. Paniwala niya, kapag naitaas ang tax sa sigarilyo at alak, kikita ang pamahalaan at mababawasan ang magbibisyo. Kung kaunti ang magbibisyo, uunti rin ang magkakasakit. Ayon sa report, bawat isang oras, 10 Pinoy ang namamatay dahil sa paninigarilyo.
Dapat suportahan si Santiago. Kung maitataas ang presyo ng sigarilyo at alak, maraming titigil na sa bisyo sapagkat hindi na nila kayang bumili. Isulong ang Sin Tax bill para mailigtas ang kabataan sa pagkagumon sa bisyo.
- Latest