^

PSN Opinyon

‘Wanted: Panday’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

KUNG iiyak ka siguraduhin mong tama ang pagpatak ng luha mo para manalo kang ‘best actor’.

“Kung sino mang walang awang gumawa nito… mamatay na!” nangingilot na sabi ng panday habang nangingilid ang mga luha.

Sa iyak na ito nabingwit ng karpintero (panday kung tawagin sa Cebuano) ‘di ang takilya kundi ang mga pulis Lilo-An Cebu. Sa halip na sa ‘billboards’ ng pelikulang ipapalabas sa sinehan sumikat, poster ng mukha niyang nakapaskil na ‘WANTED’ ang kinalat.

Sunud-sunod na sumambulat ang mga ebidensya, duguang t-shirt, pait na ginamit panaksak at testimonya ng testigong lahat nagdiin kay Gilbert “Bert” Gingala Ebrada sa pagpatay kay Asteria Pepito mas kilala sa tawag na “Didi”.

Mula Tayud, Lilo-An Cebu lumuwas ng Maynila si Hilarion o “Dodo”, 56 anyos kambal ni Didi. Bitbit niya ang ‘poster’ nitong wanted na panday.

Bunso sa siyam na magkakapatid sina Dodo.

“Hindi kami ganung magkamukha pero pareho kami pumorma… tomboy siya kaya’t tumanda ng dalaga,” pagsasalawaran ng kambal.

Buong buhay ni Didi inilaan niya sa paghahayupan, sa mga alagang baka at manok.  Taong 2009, naisipang ipagawa ni Didi ang bahay na pinamana sa kanya. Gamit ang ipon at perang nakuha sa binentang lupain, nilagyan niya ng ‘extension’ ang bahay.

Dito niya nakilala ang panday na nasa edad 28-anyos. Nakita niya si Bert na gumagawa ng bahay sa katabing ‘village’. Nagandahan siya sa istraktura kaya’t  nagpakilala siya kay Bert at sinabing gusto niyang ipaayos ang kanyang bahay.

Nagkasundo ang dalawa na si Bert na ang titira at maghahanap ng ibang karpintero. Tatlong panday ang dinala ni Bert. Si ‘Rudy’ at dalawa pang kasama.

Maayos na nasimulan ang bahay buwan ng Nobyembre 2009. Apat na daan ang sahod ni Bert sa isang araw mas mataas sa tatlong panday.

Enero 4, 2010, natapos ang gawa. Dito nangyari ang malagim na krimen.

Bandang 6:00 ng gabi, napansin ni Annie Nunez, kasambahay nila Didi sa loob ng 20 taon na patay ang mga ilaw ng bahay.

“Nagtaka na si Annie. May ilaw naman ang mga posteng nadaanan niya pero ang buong bahay madilim,” kwento ni Dodo.

Binuksan niya ang ilaw. Sinubukang pumasok sa loob ng bahay subalit naka-‘lock’ ito. Lalong kinabahan si Annie, “Didi… asan ka?! Didi…!”

Walang Diding sumagot kaya’t nanakbo na siya sa kapatid ng amo na si “Puning”, kalapitbahay. Nilibot nila ang buong bakuran. Wala dun si Didi.

Habang paakyat ng hagdan si Annie malapit sa pinto naramdaman niyang may malamig na hangin sa kanyang gilid…bigla siyang kinilabutan. Hindi maipaliwanag na sandali, hinatak siya ng paa papunta sa garahe. Sa madilim na bahagi, sa gilid tumambad sa kanya ang katawan ng amo. Nakataob… duguan.

“Manang! Si Didi…!” pagtawag nito.

Si Puning ang sumunod na nakakita sa duguang katawan. Umalingawngaw ang malakas na iyak at sigaw. Naglapitan ang mga kapitbahay at pumalibot.

Rumesponde ang mga pulis kasama na rin ang SOCO.

Isang tawag mula sa kapatid ang nagparating kay Dodo sa sinapit ng kakambal. “Do, may kasama ka ba dyan? Maghanap ka ng katabi mo may sasabihin ako…” panimula ng kapatid. “Patay na si Didi…pinagsasaksak!” nakapanlulumong sabi kay Dodo.

Halos mahimatay si Dodo na noo’y nasa Davao nang marinig ang balita. Gusto niyang sumigaw subalit walang boses na lumabas. Kasabay ng kanyang mga hikbi, ang mga luhang ayaw tumigil sa pagpatak.

Kasabay ring umiyak ang panday na si Bert na noo’y lumapit pa sa nakabulagtang bangkay ni Didi. Apektadong-apektado sa pagkamatay ni Didi si Bert at parang muhing-muhi sa pumatay. Kulang na lang maglumpasay si Bert at yakapin si Didi.

Nagduda ang kaanak ng biktima. Maging mga pulis. “Sino ka ba?” tanong sa kanya. “Panday niya po,” sagot daw nito.

Nag-imbestiga ang mga kapulisan. Tinanong nila kung sino ang huling nakasama ni Didi. Tinuro nila Rudy at dalawa pang panday si Bert na siyang nagpaiwan daw sa bahay nung araw na iyon.

Inimbitahan si Bert sa pulisya. Kinunan ng salaysay. Naghinala ang mga pulis kay Bert nang sabihin nila Rudy na iniwan nilang nagtatalo si Bert at Didi.

Ayon sa kwento ni Rudy kay Dodo, nasa kubo sila ganap na alas kwatro pasado. Huling sahuran, nang umalma si Rudy. Pilit niya raw kinukuha ang pera kay Didi subalit nagmatigas ito at sinabing mas malaki pa ang cash advance niya sa tinrabaho. Iniwan daw nilang nagtatalo ang dalawa. Nagulat na lang sila kinagabihan na natagpuan na si Diding walang buhay…tadtad ng saksak.

Dahil dito, si Bert ang naging pangunahing suspek sa krimen. Inimbestigahan si Bert maging ang tinutuluyan nitong bahay sa village. Natagpuan ang duguang t-shirt ni Bert sa kwarto nito.

Tinanong ang may-ari ng bahay kung may kakaiba ba silang napansin kay Bert. “Naghugas lang siya ng katawan…” wika daw nito.

Hindi tumigil ang imbestigasyon sa kaso. Ayon kay Dodo, base sa SOCO nagtamo ng sampung saksak si Didi. Lima sa dibdib, lima rin sa likod sa may baga. Ang ginamit na panaksak tigib (pait) pang-uka ng mga panday.

Ito ang dahilan ng pagsampa nila ng kasong murder kay Bert sa Mandaue Prosecutor’s Office. Nagkaroon ng pagdinig ang kaso subalit hindi na nagpakita pa si Bert hanggang maibaba ni Assisting Judge Estela Alma A. Singco  ng Branch 55, RTC Mandaue City ang Alias Warrant of Arrest kay Bert para sa kasong murder. Kasalukuyan ngayong hinahanap si Bert ng kapulisan.

Nagpunta sa amin si Dodo para maipakulong ang wanted na panday. Hiling niyang i-publish namin ang istorya ng kapatid at picture nitong wanted.

Itinampok namin sa “CALVENTO FILES” sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ (tuwing 3:00-4:00)ang kwento ni Dodo.

Tulad ng aming pinangako para sa mabilis na pagdakip dito kay Gilbert “Bert” Gingala Ebrada, itinampok namin ang sinapit ni Didi kasama ng larawan nitong wanted na panday. Para sa  mga nakakaalam ng kinaroroonan ni Gilbert “Bert” Gingala Ebrada tumawag lang sa mga numero sa ibaba. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 (Aicel) /09198972854(Monique)/09213784392(Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

BAHAY

BERT

DIDI

KAY

PANDAY

RUDY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with