WALANG magawa ang mga “buwayang” opisyales ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) at PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) dahil sa kampanya ni NCRPO Director Chief Supt. Leonardo Espina sa mga colorum na SUV. Milyones ang nalusaw sa kanilang bulsa nang paghuhulihin ang mga drayber ng colorum vehicles at i-impound ang mga sasakyan sa Taytay, Rizal.
Bilang pruweba sa kamandag ni Espina narito ang bilang ng mga nasampulang colorum na SUV: Caloocan City, 1; Marikina, 5; Manila, 5; Pasay City, 1; Makati, 1; Las Pinas City, 4; at Quezon City, 2. Lahat ay may kabuuang 19 colorum. Bukod pa rito ang unang 100 na nasangkot sa FX taxi robbery holdup kung saan ay sinampahan ng samu’t saring kaso sa korte.
Marami ang nagtatanong sa akin kung bakit naipatupad ito ni Espina gayung ang may power nito ay ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ang LTO. Saludo ako kay Espina nang hilingin niya sa dalawang ahensya ang paglipol sa mga colorum. Hindi nagkamali si P-Noy sa pagtalaga kay Espina sa NCRPO para makatulong sa programang “tuwid na daan” dahil nakikita ng sambayanan ang kasipagan nito sa trabaho.
Ngunit sa tingin ko, may kulang pa si Espina para maisakatuparan ang paghabol sa mga colorum. Malakas ang ugong na may ilang pulitiko mismo ang nagpapatakbo ng mga illegal terminal sa Makati, Pasay City at Manila. At sa tingin ko, panahon na para kausapin ni Espina si DILG secretary Mar Roxas nang mahubaran ang mga patong na pulitiko.
Sa Maynila ay bukambibig ng mga drayber si Ligaya na tumatanggap ng P1-milyon kada linggo mula sa bus operators at UV Express. Ayon sa aking mga nakausap tumataginting na P500 ang butaw na kinukolekta ni Ligaya sa mga bus na biyaheng Moonwalk na nakapila sa Lawton.
Tumataginting naman na P120 kada first trip sa FX at SUV at butaw na P60 kada susunod na pila na biyaheng Molino, Bacoor ang naibubulsa ni Ligaya. Ang masakit pa, ang mga barangay kagawad at tanod pa mismo ang mga tirador na nambabaraso sa mga drayber. Ang masaklap, kapag nagreklamo ang mga motorista na naiirita sa trapik aba’y, ang itinuturo ni Ligaya ay kapabayaan daw ng MPD Traffic Management Bureau.
General Espina, paki-tuldukan mo na ang panghaharabas at pang-iinsulto ni Ligaya sa PNP.
Abangan!