NAG-INGAY nang husto ang mga partido politikal at kandidato nitong nakaraang linggo na filing ng certificates of candidacy. Pilit sila nagpapansin sa madla. May mga televised na talumpati sa paghirang ng senatorial tickets, at mga bandang musika at motorcades sa pagpunta sa Comelec central at field offices.
Pero hindi nadala sa excitement ng political circus ang mga nag-iisip na mamamayan. Napansin kasi nila na, maliban sa isa o dalawa, puro mga datihan nang senador ang mga kumakandidato. Sa probinsiya naman, kundi humahangad ng reelection, nagri-rigodon ang mga mag-asawa, magkapatid at magkaanak sa iba’t ibang puwesto. Kumbaga, sila-sila na lang.
Sinasabing dalawa ang pinaka-malalaking suliranin pampulitika na Pilipinas. Una, ang bulok na sistemang eleksiyon. Ikalawa, katiwalian sa posisyon. Magkakambal ang dalawang problema.
Sobrang gastos kumampanya. Maski may limitasyon sa paggastos, lampas-lampas ang mga kandidato. Ipina-ngungutang, ipinangingikil ng mga politiko ang campaign money. Kasi, sinanay nila ang mahihirap sa pagbebenta ng boto. Walang nakikita ang mga mahihirap na pagbabago sa buhay nila ng halalan, kaya kinukuwarta na lang ang karapatang bumoto.
Kapag nanalo na, kumukurakot ang politiko nang limpak-limpak na pera ng bayan. Ito’y pambayad sa inutang o pambawi sa pinuhunan sa kampanya. Tinatanggal ang mga tauhan sa kapitolyo, city hall o munisipyo, at ipinapalit ang mga taga-suporta nila. Paghahanda lahat ‘yon para sa kasunod na halalan.
Kaya walang pinagkaiba sa plataporma ang mga politiko.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com