Tiyak ang pagguho ng isang gusaling konkreto kung matuklasan mo na pagkatapos ng bagyo na ito pala’y hindi gawa sa semento kung hindi, sa abo.
Materyales na mapagkakatiwalaan ang kinakailangan para masigurado ang katatagan, ngunit papaano maisasakatuparan ito kung sa maliliit na bahagi pala ay makikitang ito’y dispalinghado?
Setyembre 18, 2012 ng Martes humingi ng panawagan ang liderato ng konseho ng Meycauayan City na apurahin ang pagsibak sa pwesto sa hukom ng Branch 12 ng RTC Malolos na si Judge Virgilita B. Castillo bunga ng umano’y paglabag nito sa panuntunan ng magandang asal at malinaw na pambabalewala sa batas.
Ayon sa isang konsehal ng nasabing lungsod (na ayaw magpabanggit na pangalan), isang malaking kasiraan sa buong hudikatura ang ginawang umano’y pakikipagkita ni Judge Castillo kay Eulalio Nieto sa Hotel Sofitel.
Hindi lamang ito ang una sa mga umano’y hindi katanggap-tanggap na isyu na kanilang inaalmahan, kung saan ang una ay nang ipag-utos ni Judge Castillo na ipabukas muli ang isang naipasara nang pampublikong palengke sa lungsod nang hindi idinaan sa nararapat na pagdinig.
Sa halip na sundin ang orihinal na petisyon ni Mayor Joan Velasco-Alarilla ng Meycauayan City, na ipasara ang Fortune Market Poblacion na pagmamay-ari ni Mario San Andres—sapagkat walang kaukulang permit at lisensya ang operasyon nito, pinalitan umano ni Judge Castillo ang utos.
Napag-alaman na nagsampa ng “Petition to restrain” si Mario San Andres at ang binabayaran nito ng upa na si Eualalio Nieto, subalit kadeba-debate na ang aksyong ito sapagkat naipasara na ang iligal na palengke.
“Binago ni Judge Castillo ang order kung saan pinabukas niyang muli ang Fortune Market kahit na may nakabinbin pang Motion for Reconsideration ang kasong ito. Agad siyang nagpadala ng sheriff upang pwersahan itong pabuksan,” ayon pa sa konsehal.
Sa pagtingin ng konseho, ang ginawang desisyon ng hukom ay may pagkiling, kaya’t sinampahan nila ito ng “Motion to Inhibit” mula sa kaso upang hindi na siya ang humawak.
Ayon pa sa impormasyong ibinigay ng konsehal, dalawang linggong nakakalipas ay nakipagkita umano si Judge Castillo kasama ang isang retiradong hukom ng Korte Suprema kay Nieto sa Hotel Sofitel.
Ang pinagpulungan umano ay ang pag-uutos ni Judge Castillo sa kanyang staff nung Setyembre 17, 2012 na ihanda ang utos upang tanggihan ang petisyon upang bitiwan niya ang kaso (“Motion to inhibit”).
Nananawagan ngayon ang liderato ng konseho ng siyudad sa bagong upo na punong hukom na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na bigyang atensyon ang bagay na ito.
Simula pa nung Enero 2012, patuloy ang operasyon ng Fortune Market kahit pa wala itong kaukulang permit.
Kamakailan napagpasyahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan na kumpiskahin ang Fortune Market Poblacion sa ilalim ng Kapasyahan Blg. 257-T’ 12.
Nagsasaad ito ng isang ordinansa na nagbibigay ng kapangyarihan kay Mayor Joan Alarilla na mangasiwa sa proseso ng pagkuha sa lupang sinasakop ng Transfer Certificate of Title No. T-24.0055(M) na nakapangalan sa isang nagngangalang Anacleto B. Nieto.
Sinabi ng Sangguniang Panlungsod ng Meycauayan na dumaan sa masusing pag-aaral ng Lupon Gamit-Lupa at mayroon ding batayang ligal ang naging desisyon na ito na siyang kinatigan naman ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan, at alinsunod sa panuntunan ng Korte Suprema.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung tunay nga ang bintang sa pulong nina Judge Castillo at Nieto, isang patalikod na pambabastos ito sa dapat na proseso na naayon sa batas.
Ang ganitong mga gawain ang tumatastas sa matuwid na tunguhin. Kung bawat korte sa mga munisipalidad ng ating bansa ay may ganitong mga iligal na gawain, mawawalang saysay ang pagsususmikap na linisin ang sistema ng pamamahala.
Paano pa magtitiwala ang taumbayan sa mga may hawak ng hudikatura kung sila mismo ay kakikitaan ng hindi magandang ehemplo?
Hindi ito ang kauna-unang beses na ang isang hukom ay hiniling na lumiban sa kaso ng isang litigante. Ito ay remedio na ipinaglalaban ng isang partido na naka-ugat sa karapatan sa kaso na magkaroon ng “due process”.
Nakasaad sa “Bill of Rights” na walang sinuman ang maaring pagkaitan ng ‘right to life, liberty or property without due process of law’.
At nakapaloob dito ang magkaroon ng karapatan na magdinig ang isang hukom na walang kinikilingan at pinapanigan. Walang ‘hidden agenda’ ‘ika nga.
Mismo ang ‘Court of Appeals’ ang nagsalita tungkol sa mga isyu ng ‘motion to inhibit’..
Malaking paghamon ito sa lahat ng hukom na maging patas at kalmado sa harap ng isang atake sa kanyang kakayahan, subalit isang bagay na dapat na harapin na darating sa kanila ang pagkakataong gaya nito.
“It takes strength of character, humility and wisdom to acknowledge that sometimes, no matter how good and pure his intentions, a judge’s relationship, past declarations or actions and personal beliefs may get in the way of his ability to render justice. (according to the Court of Appeals).
Sa dulo-dulo ang gabay dito ay ang prinsipyo na ang isang hukom ay sa lahat ng sandali ay dapat umakto “like Ceasar’s wife”, above suspicion.
Ang anumang pagpapakita na malasado ay dapat iwasan dahil madalas lumalabas na kahit malapit sa hinala lamang ay nagsasalamin ng katotohanan.
Sa pagtatapos, hindi lamang ang hukom ang pinaghihinalaan dito kung hindi maging ang buong institusyon na kanyang kinabibilangan ay nalalagay sa balag ng alanganin at nababahiran ang integridad at kalayaan ng hudikatura pati na rin ang buong “legal system” ng ating bayan.
Hiling lamang na ikaw ay mag-‘inhibit’ mula sa kasong ito, sa isang bunton na mga kaso sa iyong hukuman, kung tunay na balanse ang paninimbang mo sa magkabilang panig, ang isang ito’y hindi magiging kawalan sa’yo.
Gaano ba kadikit sa palad mo ang kasong ito at hindi mo ito mabitawan?
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393 . Ang landline, 6387285/ 24/7 hotline 710-4038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com