MARAMING pagsubok ang namamayani sa matuwid na tao. Maging ang mabuting layunin at mga plano ng isang tao ay hadlang sa mga masasama. Naghahari ang inggit at makasariling hangarin. Maraming plano ang namumugad sa kasamaan. Sinasabi ng masama: “Tambangan natin ang mga taong matuwid. Sila’y hadlang sa ating mga balak”. Sa lahat ng antas ng buhay ay parang kalat na kalat na ang kasamaan. Ang tangi nating masasabi ay hindi natutulog ang Panginoon. The Lord upholds my life.
Ang ating kalasag sa mga pagsubok ng Diyos ay wagas na karunungan at katwiran. Sabi ni Santiago na mamumunga ang katwiran na siyang binhing inihasik ng taong maibigin sa kapayapaan, kahinahunan, mapagbigay at hindi nagtatangi, hindi nagkukunwari, mahabagin, at masipag sa paggawa ng mabuti. Maging si Hesus sa Kanyang pagtatanggol at pagsakop sa atin laban sa kasamaan ay hindi nagnasa ng kagandahan ng buhay. Hindi Niya katulad ang mga makapangyarihan sa nasa pulitika na karamihan sa kanila ay ang ninasa ay kasaganaan ng buhay maliban sa yumaong si DILG secretary Jesse Robredo na wagas ang paglilingkod sa pamahalaan. Sinabi ng kanyang asawa na si Atty Leni Robredo: “No regrets. Alam ko he lived a full life, he fulfilled as his dreams”.
Kung ating susuriin ang suweldo ng mga kagawad ng barangay hanggang sa presidente ng bansa ay hindi ka-singlaki ng kinikita ng mga mangangalakal o negosyante. Pero bakit sa pagiging pulitiko pa rin sila nagsisiksikan. Siguro ay alam n’yo na ang tamang kasagutan.
Maging ang mga alagad ay katulad ng mga namumulitika sa ating bansa. Pinagtatalunan nila kung sino ang luluklok sa kaharian ni Hesus sapagka’t ang akala nila ay sa Israel ito magaganap. Pinagtalunan din nila kung sino ang pinakadakila. Kaya tinawag Niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila pagkatapos kinalong Niya
ito at sinabi: Ang sinumang tumatanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa Akin ay hindi Ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin”.
Kar 2:12,17-20; Salmo 54; Santiago 3:16-43 at Mk 9:30-37
* * *
Happy wedding anniversary kina Edwin at Beth Lim Carlos at sa kaarawan ng kanilang panganay na anak na si Juan Miguel L. Carlos.