MAGANDANG balita ang pahayag ng MILF na hindi nila sasalakayin ang US Embassy sa bansa dahil lamang sa isang pelikula na tila kontra-Muslim. Maraming militanteng Muslim sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nanggagalaiti ngayon sa isang pelikula na ginawa ng isang baguhang Amerikanong direktor, na tila kontra-Muslim ang kuwento. Nagsimula ang karahasan sa Benghazi, Libya nang paulanan ng mga rocket-propelled grenade ang US embassy roon na ikinamatay ni Ambassador Chris Stevens at tatlong iba pa. Mga panatiko umano ang sumalakay sa embassy, pero sinasamantala ng Al-Qaeda ang mga pangyayari at nanawagan sa lahat ng Muslim na salakayin ang mga US embassy sa mundo. Nakinig ang mga panatikong Muslim sa Sudan, Tunisia at pati Egypt.
Mahirap din intindihin ang Islam. Sa isang panig, ang mga pahayag ng mga lider ng Islam ay mapayapa na relihiyon ang Islam at bawal ang anumang uri ng karahasan. Deboto lang sa mga turo ng Koran ang mahalaga sa isang Muslim. Pero sa isang panig naman, makikita ang mga ganitong kilos kung saan karahasan ang namumuno, na kadalasan ay nagmumula sa mga tinatawag na Islamists. Nagpahayag na nga ang isang lider sa Saudi Arabia na walang magagawang danyos sa Islam ang pelikulang tinutukoy ngayon. Sa madaling salita, pelikula lang iyan, wala na. Kaya hindi dapat nagagalit o gumagawa ng karahasan dahil lamang sa isang walang katuturang pelikula.
Kaya ito naman ang katayuan ng MILF, na akin namang pinupuri. Hindi raw ito noong mga unang panahon kung saan relihiyon ang tanging dahilan ng mga digmaan at patayan. Iba na ang panahon ngayon. Bagama’t kinokondena nila ang paninira muli sa Islam sa pelikulang ito, hindi ito dahilan para makilahok sa karahasan. Napakagandang balita nito, na sana ito rin ang katayuan ng lahat ng Muslim sa Pilipinas, kung hindi sa buong mundo. Ano nga naman ang magagawa ng isang pelikula na ginawa ng isang baguhang director na ngayon ay nagtatago sa takot na masaktan?
Naaalala ko nang ipapalabas na ang “Da Vince Code” sa bansa, kung saan tinitira ang mga batayan ng relihiyong Kristiyano, partikular ang mga Katoliko. Sinubukang harangin ng simbahan ang pagpapalabas nito sa bansa, dahil nilalapastangan daw ang Diyos, at baka malito lamang ang mga nananampalataya. Pero natuloy ang palabas. Wala namang nangyaring masama sa simbahan. Lahat ng ingay ay para lamang sa wala! Ganundin ang pelikula. Walang magagawang masama sa Islam. Kaya sana, tumigil na ang mga nanggugulo sa ibang bansa. Maliban na lang kung may ibang tunay na dahilan kung bakit may karahasan na naman laban sa mga Amerikano. Tandaan, nakikialam na ang Al-Qaeda. Baka terorismo lang ito na ginagamit ang pelikula dahilan para sumalakay!