NAPAG-USAPAN namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang karanasan ng mga Pilipinong nasa Kuwait hinggil sa pagpaparehistro para sa overseas absentee voting (OAV). Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), mahigit 170,000 Pinoy ang nasa Kuwait, kung saan 60,000 sa mga ito ay domestic workers.
Ayon sa mga kababayan doon, nakipag-ugnayan sila sa Philippine Embassy upang magkaroon ng Mobile OAV registration dahil karamihan sa kanila, lalo ang mga kasambahay, ay walang pagkakataong makapunta sa embassy kapag ordinaryong araw ng opisina (Linggo hanggang Huwebes) dahil ang regular na day-off nila ay Biyernes lang.
Dahil dito, araw ng Biyernes itinakda ang kanilang rehistrasyon sa isang sports club doon kung saan maraming Pilipino ang nagkikita-kita, at inilathala ito sa mainstream media at mga social networking site.
Pero isang linggo bago ang araw na iyon, sinabi umano sa kanila ng isang nagngangalang G. Jack Tanandatu na Chairman ng OAV sa Kuwait na “Hindi na mahalaga na magkaroon pa ng Mobile OAV dahil buong Middle East na ang pinakamarami. Kumbaga quota na tayo.” Dahil dito, hindi na natuloy ang registration.
Ayon sa ating mga kababayan, isang “pagyurak at pagsupil sa kanilang karapatan na ginagarantiyahan at nakatadhana sa batas.” Mahigit 130 OFWs sa naturang bansa ang lumagda sa isang liham na ipinarating nila kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales upang imbestigahan ang pagbalewala sa kanilang karapatang makapagparehistro para sa 2013 elections.
Sinabi ni Jinggoy na tututukan niya ang usaping ito.
* * *
Happy bday: Nueva Ecija Reps. Rodolfo Antonino at Zamboanga City Rep. Erico Basilio Fabian (Set. 12), Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez (Set.13) at Alcoy, Cebu Mayor Nick Delos Santos (Set. 15).