Krimen, krimen, krimen!
Limampu’t Pitong porsyento ang itinaas ng krimen sa Metro Manila ngayong taon! Bagama’t nabanggit ni President Aquino sa kanyang huling SONA na bumaba na ang krimen sa bansa, mas tumaas naman sa Metro Manila! At kung magbabasa ng mga pahayagan, makikinig sa radyo o manonood ng mga balita sa TV, pawang krimen ang mga balita!
At isa sa mga napakasamang krimen ang manakawan ng sariling anak, lalo na ang bagong silang pa lang! Ganito ang nangyari sa Sta. Teresita General Hospital, nang magpanggap na doctor ang isang babae at kinuha ang isang bagong silang na sanggol! Alam sigurado ng kidnapper na mahina ang security ng ospital kaya ginawa iyon. Napalitan na raw ang security agency ng ospital. Dapat siguro tanggalan na rin ng lisensiya ang mga iyan!
Lumalabas na hindi ito ang unang beses kung saan nakikidnap ang mga sanggol o bata ng mga nagpapanggap na doktor o nag-aalay ng mga libreng medical check-up. Hindi lang daw masyadong nababalita, at tila hindi nalulutas ng mga pulis ang mga naunang kaso ng kidnapping. Kailangan ko pa bang sabihin na hindi naman kasi mga mayayaman, pulitiko o maimpluwensiyang tao ang mga biktima? Siguro kung pulitiko iyan, o artista, o kilalang mayaman baka nakita na ang sanggol, di ba?
Kung ano ang nangyayari sa mga sanggol ay hindi na natin alam. Karamihan, binebenta sa mga naghahanap siguro ng maaampon. Pero anong klaseng magulang ka naman kung sa ganitong paraan ka naghahanap ng maaampon? Hindi ba’t ang nagnakaw at bumibili ng nakaw ay may pananagutan sa batas? Sana naman matutukan ng pulis ang mga kasong pagnanakaw ng mga sanggol at bata, kahit mahihirap at ordinaryong tao lang ang mga biktima! Kaya nalalagay sa masamang listahan ng human trafficking ang Pilipinas dahil na rin sa mga hindi nareresolbang mga kasong ito! Umaabot siguro sa ibang bansa ang mga nakikidnap na sanggol at binebenta sa mga dayuhan! Hindi ko maisip ang sapat na parusa sa mga iyan kapag nahuli! Kahit ano pa siguro ang gawin sa kanila ay hindi sapat sa krimen na ginawa nila!
- Latest
- Trending


















