Comelec bulok katulad ng dati
TALAGA bang hindi na titino ang Commission on Elections? Wala bang paraan para ingatan nila imbis na waldasin ang pera ng bayan?
Aba’y sunud-sunod ang mga maanomalyang desisyon ng Comelec. Una, pinasya nito na bilhin sa hala-gang P1.8 bilyon ang 82,000 precinct count optical scanners ng Smartmatic, na ginamit nu’ng 2010 elections. Ito’y miski mas makakamura ang Comelec, anang computer experts, kung mag-public bidding para sa bagong ballot counters para sa 2013 elections.
Tapos, bagama’t ipinasya ng dalawang magkaibang lupon ng tagapayo ng Comelec na palpak ang Smartmatic PCOS, nag-product demo pa rin sa Kongreso. Nag-mock balloting ang mga mambabatas. Ang resulta, nang i-audit ang PCOS: 93.757% lang ang accuracy nito. Labag ito sa Election Automation Law, na nagtalaga ng 99.995%. Sa 50 milyong botante nu’ng 2010, ang bawat 1% ay binubuo ng 500,000 botante. Kaya ang 6.238% na agwat ay binubuo ng 3.119 milyong botante. Napakalaking margin of error niyan. Pero humingi pa rin ang Comelec ng dagdag na P1.8 bilyon sa Kongreso para pambili ng 82,000 inaccurate PCOS units.
Ngayon naman, pati sa pagbobodega ng 82,000 PCOS machines ay may anomalya rin. Ang bodega: 22,000 square meters. Ang halaga: Tumataginting na P400 milyon sa isang taon. Ibig sabihin: P1.1 milyon kada araw, o P45,662 kada oras. Nu’ng una, nag-budget ang Comelec ng P112 milyon para sa pagbobodega. Umangal ang Smartmatic na kapos ang budget, at binoykot ang bidding. Nag-bidding muli, parehong specs ng bodega, pero P400 milyon na ang budget. Sumali na ang Smartmatic. Ang bodega ay walang iba kundi ang kasalukuyang imbakan ng PCOS!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending