EDITORYAL - Mga bangkay sa basurahan

INILALAGAY na ang batas sa mga kamay at hindi na sa hukuman. Ganito ang nangyayari ngayon kaya sunud-sunod ang mga nakikitang bangkay sa mara-ming lugar sa Metro Manila. Ang mga bangkay na pinahirapan muna bago pinatay ay ibinabagsak sa mga basurahan, sa sidewalk at sa harap mismo ng bahay. Hindi na katulad noon na karaniwang ang mga bangkay ay itinatapon sa mga talahiban. Ang mga natatagpuang bangkay ay hinihinalang biktima ng salvage.

Noong Huwebes ng gabi, dalawang bangkay ang natagpuan sa Bgy, Tandang Sora, Quezon City. May mga tama ng bala sa katawan ang dalawang lalaki na hinihinalang mga miyembro ng akyat bahay.

Noong nakaraang Martes, dalawang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa La Loma, Quezon City dakong alas-sais ng umaga. Ang mga bangkay ay halatang pinahirapan muna at namatay sa sakal. Ilang oras makaraang matagpuan ang mga bangkay sa QC, isang bangkay naman ng lalaki na nakasilid sa sako ang natagpuan sa Tayuman, Tondo. Ang lalaki ay may mga bakas sa leeg na halatang sinakal hanggang sa mamatay. Natagpuan ang sako malapit sa basurahan.

Noong Sabado (Agosto 18) ng madaling-araw, tatlong bangkay ng lalaki ang natagpuan sa Balin-tawak, QC at pawang nakasilid sa balikbayan boxes. May mga bakas din sa leeg ang mga bangkay na halatang sinakal. Sa bulsa ng mga bangkay ay may mga bundle ng ginupit na papel na parang bungkos ng pera. May nakasulat ding “Budol” na isinama sa loob ng kahon.

Nang araw ding iyon, isang bangkay ng lalaki at isang babae ang natagpuan sa harap ng isang bahay sa Blumentritt St. Sampaloc, Manila at nakasilid din sa balikbayan boxes. May mga bungkos din ng ginupit na papel sa bulsa at may nakasulat na “Budol Ako”.

Matagal nang nangyayari ang ganito na itatapon na lamang ang bangkay ng sinalvage. Gawain umano ng vigilantes ang ganito. Lahat nang mga gumagawa ng masama ay pinapatay na lang at itatapon sa basurahan.

Kung ang ganitong practice ay magpapatuloy,    ano pa ang silbi ng mga pulis at mga hukuman? Short cut na lang para madali ang resulta? Kung ganoon, alisin na ang mga pulis at korte. Wala na silang saysay at “batas ng baril” ang ipairal.

Show comments