Graft vs. Gwen pinatigil

HINDI kaya natuturete ang Ombudsman at Sandiganbayan sa mga dagsa-dagsang kaso laban sa mga public officials lalu na yaong nagbabalak kumandidato sa ano mang puwesto sa susunod na taon?

Tiwala naman ako na ang Ombudsman at Sandiganbayan ay magiging mapanuri sa pagtukoy ng mga lehitimong kaso at yung mga may bahid-pulitika. Hindi rin naman dapat isaisantabi ang mga kaso ng katiwalian kung ang mga ito’y tunay at may pagbabatayan. Kapa-kanan ng bansa ang nakasalalay diyan.

Isa sa mga nadidiin ay si Cebu Governor Gwen Garcia. Ang kaso niya’y tungkol sa umano’y maanomalyang pagbili ng lalawigan ng ilang ektaryang lupain ilang taon na ang nakararaan. Agrabyado raw sa nabanggit na bentahan ang pamahalaan. Naunang nag-isyu na ang Sandiganbayan ng hold departure order laban kay Garcia.

Di nagtagal, kinatigan ng Sandiganbayan ang mosyon ni Governor na isuspinde ang pag-usad sa kasong ito. Sa motion for reconsideration ng gobernadora na kinatigan ng Sandiganbayan, isa-isa niyang sinagot ang mga alegasyon.

Aniya, kaduda-duda ang biglang pagbuhay sa kaso dahil itinaon sa pahayag ng United Nationalist Alliance o UNA na kasama si Garcia sa 2013 senatorial line up nito.

Ang paratang ay taliwas sa katotohanan, anang kampo ni Garcia. Sa katotohanan, nauna na raw nagsampa ng asunto si Garcia laban sa mga dating may-ari ng kinu-kwestyong lupa upang maibalik sa gobyerno ang ibinayad sa kanilang P98 milyon. Hindi umano nakinabang ang gobernadora sa bilihan, bagkus ay nagtatag pa siya ng task force upang busisiin ang sinasabing transaksyon. 

Tungkol naman sa Hold Departure Order o HDO laban kay Garcia, ito raw ay awtomatikong ini-isyu ng Sandiganbayan kapag nagsampa ng kaso ang Ombudsman bago pa man magsimula ang pagdinig sa mga kasong inihain dito. Hindi raw nangangahulugang guilty na si Garcia. Tama naman.

Ang next step ni Garcia ay bagong mosyon para alisin ang HDO at mapagbigyan naman niya ang mga paanyaya sa kanya sa ibang bansa kung saan siya ay guest speaker o kaya’y resource person. Ang bayan ay umaasa sa isang impartial at makatarungang aksyon ng hukuman sa kasong ito.

Show comments