NAKITA na ang katawan ni Capt. Jessup Bahinting, piloto ng Piper Seneca na sinakyan ni DILG secretary Jess Robredo. Kinilala si Bahinting ng kanyang kapatid at anak sa pamamagitan ng singsing at relo na suot. Ang co-pilot na Kshitiz Chand na lang ang hindi pa nakikita. Wala na raw laman ang eroplano nang makuha si Bahinting, kaya susuyurin ng mga maninisid ang lugar kung saan bumagsak ang eroplano. Sana makita na si Chand para mapayapa na ang kanyang pamilya.
Ibang klase ang nagawa ng trahedya sa buong bansa. Nakilala nang husto ang pagkatao ni Robredo. Nakita kung gaano siya kagaling na opisyal, kung paano niya inangat ang Naga City sa kahirapan at kahalayan, at kung gaano siya kasimpleng tao na malalapitan ninuman. Noon ay pawang bulung-bulungan kung magtatagal pa si Robredo sa Gabinete ni President Aquino, dahil sa pagkainggit ng mga kalaban at kritiko niya. Hindi pa nga kumpirmado ang pagkatalaga sa kanya bilang DILG secretary dahil sa pagharang ng mga kalaban niya! Ngayon, dahil sa mga papuri sa kanya nang maraming sektor, tila naghuhugas na ng kamay ang mga ito!
Ngayon ay malakas ang tanong kung sino ang ipapalit kay Robredo. Marami ang nagsasabi, pati mga nasa DILG, na mahirap hanapan ng kapalit si Robredo. Iba raw talaga kung magtrabaho at may malasakit sa kapwa at gobyerno. Para sa akin, hindi dapat ibigay ni P-Noy sa taong gustong-gusto ang posisyon! At sigurado meron yan! Napakalaking pagkakamali kung ganun ang mangyayari! Kung makakahanap ng katulad ni Robredo, mabuti. Pero bihira ang pulitiko na katulad ni Robredo.
Karapat-dapat lang ang ibibigay na state funeral kay Robredo. Nawalan ng tapat at magaling na kasama sa daang matuwid si P-Noy.