KUNG minsan, may mga paninising walang basehan at layunin lang na humanap ng butas para makatuligsa. Halimbawa, alam niyo ba na may mga sumisisi kay Presidente Noynoy Aquino sa maagang kamatayan ni DILG Sec. Jesse Robredo? Kakatawa ‘no?
In fairness, ngayon ko napatunayan kung gaano kalapit sa puso ni P-Noy si Robredo. Talagang nagpuyat at hindi na mukhang Presidente ang ayos dahil sa pagtutok sa operasyon sa pagsaklolo kay Robredo na kasamaang-palad ay patay na pala.
Eh bakit daw si Presidente ang may pananagutan? Kasi daw, si Robredo ang isinugo ng Pangulo sa convention ng CIDG sa Cebu para kumatawan sa kanya. Grabe naman iyan!
Mandato ng Presidente na mag-designate ng kakatawan sa kanya saan mang pagtitipon kung may conflict sa kanyang gawain.
Ayon nga sa kaibigan natin at dating kabaro sa media na si Eastern Samar Rep. Ben Evardone, malisyoso at walang basehan ang paratang sa Presidente lalo na sa panahon ng pagluluksa ng buong bansa dahil sa kamatayan ni Robredo.
Ani Evardone, hindi naman uraurada ang utos na iyon ng Pangulo kundi matagal nang naka-kalendaryo. Ang mga Kalihim ng gabinete ay alter-ego ng Pangulo lahat. At dahil may mga pagkakataong may conflict sa schedule ng Pa-ngulo, mandato niyang magtalaga ng kakatawan sa kanya.
Pero may mga tinatawag na “detractors” na sa layu-ning manisi ay naghahanap ng butas para makapanisi. Grabe talaga!
Ang malagim na sakunang dinanas ni Robredo ay nakaguhit na sa kapalaran. At naniniwala ako na ang lahat ng bagay na nangyayari ay nakatakda dahil may mabuting layunin.
Sana lang, ang bumubuhos na simpatiya at pakikidalamhati ng taumbayan ay maging daan upang ang karamihan, kundi man lahat ng opisyal ng gobyerno ay humugot ng inspirasyon mula sa yumaong DILG secretary para sa pagsusulong ng mabuti at tapat na pamamahala.