NAPAKAHALAGA ng ating kidneys o bato. Ang kidneys ay tumutulong sa pagtanggal ng dumi ng katawan sa pamamagitan ng pag-ihi. Kapag nasira ang ating kidneys, puwede itong magdulot ng kidney failure at pag-dialysis. Mahal at mahirap ang gamutan sa kidneys.
Masuwerte at na-interview ko sa aming DZRH program (“Docs on Call” Sabado 5 – 6 p.m.) ang isa sa pinakamagaling na kidney specialist sa buong bansa. Siya si Dra. Elizabeth Montemayor ang Head ng Section of Nephrology sa PGH, Head ng Hemodialysis Unit sa Manila Doctors Hospital, at Professor in Physiology sa UP College of Medicine.
Heto ang mga natatanging paraan para maalagaan ang kidneys:
1. Bawasan ang asin sa pagkain – Kailangan ay matuto tayong limitahan ang pagkain ng maaalat tulad ng asin, patis, toyo, bagoong at maaalat na isda. Mataas din ang asin ng mga instant noodles, sitsirya at de-lata. Basahin ang “Nutritional Label” para sa dami ng asin/salt. Kung maalat ang sabaw o sarsa ay huwag na itong ubusin. Sa pagluto ng noodles ay kalahati lang ang seasoning o alat na ilagay. Hindi naman bawal ang pagkain ng maaalat, pero bawasan mo lamang. Kapag nasobrahan ang asin o alat sa katawan ay tataas ang ating presyon. At ang high blood pressure ang sisira sa ating kidneys.
2. Limitahan ang protina sa pagkain – Alam ba ninyo na ang pagkain ng sobrang protina, tulad ng karneng baka, baboy, lalo na ang malalaking steak, ay nagpapahirap sa kidney? Oo, tunay po iyan. Kaya nga ang mga may sakit sa kidneys ay nililimitahan ang protina sa pagkain. Ayon kay Dra. Montemayor, kapag marami ang protina mong kinain, kailangan mag-double time ang trabaho ng iyong kidneys. Bilang paghahambing, imbes na parang naglalakad lang ang trabaho ng kidneys, ay tumatakbo ang kidneys kapag marami tayong protinang kinain. Puwedeng mapagod at masira and kidneys sa ka tagalan. Dahil dito, hindi pinapayo ng mga doktor ang Atkin’s diet o South Beach Diet na mataas ang protina sa diyeta. Isang balanseng di-yeta ang pinaka-healthy: May kanin, gulay, isda at prutas.
3. Gamutin ang alta-presyon o high blood pres sure – Kapag mataas ang iyong presyon sa 140 over 90, dito na nag-uumpisa ang pagkasira ng kidneys. Gusto ng kidneys ang normal na presyon ng dugo lamang. Bawasan ang alat sa pagkain at uminom ng gamot sa altapresyon.
4. Gamutin ang diabetes – Napakasama ang naidudulot ng diabetes sa kidneys. Sinisira ng diabetes and kidneys at puwedeng magdulot ng kidney failure at pagda-dialysis. Ayon kay Dra. Montemayor, kahit bahagya lang ang taas ng iyong blood sugar (mild diabetes) ay puwede pa ring masira ang iyong kidneys. Wala raw ito sa taas ng blood sugar, kung hindi sa tagal ng iyong diabetes. Kapag 5-10 taon na ang diabetes, nag-uumpisa nang masira ang kidneys. Dahil dito, kumunsulta agad sa doktor at gamutin na ang diabetes at altapresyon. Sa susunod, may dagdag payo pa para sa kidneys.