'Chain smoker po ako'
“Dr. Elicaño, ako po ay chain smoker. Hindi ko maalis ang pagka-addict sa sigarilyo. Posible kayang magka-cancer ako? Wala pa naman akong nararamdaman sa katawan pero umuubo-ubo ako.” -— Ariston Mangcupang, Tondo, Manila.
Lahat nang malaki ay sa maliit nagsisimula. Yang pag-ubu-ubo nang katulad mong chain smoker ay hindi dapat ipagwalambahala. Sa pag-aaral, 75 percent ng lung cancers ay natuklasan na nasa delikadong stage na.
Sa katulad mong chain smoker, nasa panganib na magkaroon ka ng lung cancer. Ang paninigarilyo ay malaki ang kaugnayan sa lung cancer. Nasa 85 percent ng kaso ng lung cancer ay dahil sa paninigarilyo.
Ang sintomas ng lung cancer kapag nasa unang stage ay ang chronic cough pag-ubo-ubo. Kapag nasa late stages na ay ang paninikip ng dibdib, pneumonia, paglura na may kasamang dugo. Makakaranas din ng pagbaba ng timbang, mahirap na paghinga, paos na boses at nahihirapan nang makalunok. Ang mga nakakalanghap ng second hand smoke ay dapat ding mag-ingat.
* * *
“Doc Elicaño, ano po ba ang hyperthyroidism at sintomas nito?” —Ella San Pascual, Kakarong St. Makati City
Ang hyperthyroidism ay overfunctioning ng thyroid gland. Ang mga sintomas ay: pagluwa ng mga mata, hindi mapagkatulog, laging iritable, mabilis ang tibok ng puso at madalas na pagdumi. Ang iba ay nakararanas ng menstrual problem at masyadong sensitive sa init. Kahit gusto ng may hyperthyroidism na magkaroon ng extra energy ay hindi niya magawa.
Ipinapayo ko sa may hyperthyroidism na mag-relax at kumain ng karne, cheese, beans and peas dahil mayaman ang mga ito sa protina. Ang Vitamin A ay kailangan din. Operasyon ang paraan para magamot ang overactive thyroid.
- Latest
- Trending