Chinese na 'tulak' pinakakawalan
DAPAT isama ni Sen. Tito Sotto sa paiimbestigahan ang pagbigay ng bail sa Chinese national na si Wu Jian Cai, alias Jeson Co na nahulihan ng 18 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P100 milyon. Si Wu, kasama sina Jiang Huo Zao, Chen Jun Yue at Jojit Sta. Maria Ilao ay naaresto ng mga ahente ng AIDSOTF sa Kanlaon St., Bgy. Teresita, Quezon City noong June 12, 2009. Kinasuhan sila ng sale, delivery, transport, conspiracy in the sale at possession of illegal drugs na ayon sa batas ay non-bailable. Subalit noong Hulyo 19, 2012, pinayagan ni Judge Jaime Salazar na makapagpiyansa si Wu sa halagang P400,000. At tulad ng iba pang pinag-bail na mga Chinese pushers, ang ikinatwiran ni Salazar sa kanyang desisyon ay dahil umano sa hindi pag-describe ng mga arresting pushers kung paano naaresto si Wu, na isang technicality lamang. Kung sa China, death penalty ang kinahantungan ng mga Pinoy na nahuhuli sa droga, bakit dito sa Pilipinas, pinakakawalan sila?
Ayon kay Chief Insp. Roque Merdegia Jr., ang legal officer ng AIDSOTF, ang apat ay naaresto sa isang buy bust operation kung saan nakuhaan sila ng dalawang kilos ng shabu. Nakuha rin ang 18 kilos sa Nissan Exalta Grandeur (XBX 683) na ginamit nina Wu at Chen. Ang inventory ng nakumpiskang shabu at iba pang ebidensiya ay ginawa sa harap ni City prosecutor Pedro Tresvalles, Bgy. Chairman Jaime Cabalona at Nico Baua ng ABS-CBN. Sa inquest pa lang ng kaso ay may milagro na. Nais i-release for further investigation ni Prosecutor Noel Mingoa sina Sta. Maria Ilao, Chen at Wu. Subalit, hinarang ng AIDSOTF ang hakbangin ni Mingoa na kaagad naman nagdesisyon na i-direct filing ang kaso, maliban kay Ilao na talagang ni-release niya. Ang kaso ay na-raffle sa sala ni Judge Elvira Panganiban ng RTC Branch 127. Matapos ang halos isang taon na paglilitis, biglang nag-inhibit si Panganiban at ang kaso ay napunta sa sala ni Salazar. Matapos ang tatlong taon, ang poseur-buyer na si SPO1 Ronald Parreño ay ini-offer ni Prosecutor Buenaluz para magtestigo sa kaso. Noong Mayo 30, si Salazar na acting judge ng RTC Branch 79 ay hindi pinayagan ang petition for bail ng mga akusado. Subalit makalipas ang 2 buwan, pinayagan niyang makapag-bail si Wu.
Ayon kay Merdegia, mukhang hindi ni-review ni Salazar ang mga dokumento ng kaso bago niya payagang makapag- bail si WU. Nakalimutan yata ni Salazar na si Wu ay akusado ng sale at possession ng droga na hindi bailable. Iginiit pa ni Merdegia na si Wu ay naaresto sa akto sa 18 kilo ng shabu. Ang AIDSOTF ay nagsumite ng affidavit ni Parreño, joint affidavits ng mga arresting officers na sina SPO1 Alejandro Liwanag at PO2 Glenn Caluag para kay Jiang; SPO1 Reynaldo Pascua at PO2 Lawrence Perida para kina Wu at Chen at SPO1 Leonardo Taldo at PO3 Hercules Basmayor para naman kay Ilao. Kung binasa lang sana ni Salazar ang mga affidavit may kasagutan na ang AIDSOTF sa mga tanong ng huwes, ani Merdegia. Senator Sotto, Sir. Arukin mo kung sino ang mali sa pagpiyansa ni Wu.
Abangan!
- Latest
- Trending