MAY mga nakaamba pang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lugar. Kahapon, naging bagyo na ang low pressure area na pinangalanang “Helen” na sa dakong silangan ng Northen Luzon. Magdadala umano ng pag-ulan at pagbaha ang bagyo.
Hindi pa ganap na nawawala ang bakas ng baha noong Martes, eto at meron na namang nakaamba. Nananatili pa ang trauma sa mga biktima ng baha sa Marikina City, Quezon City, Valenzuela City, Malabon City at Maynila ay meron na namang nakaambang kinatatakutan.
Mayroong evacuation centers na halos hindi pa nababawasan ang mga taong naroon ay eto at mayroon na namang dadalhin kapag muling manalasa ang bagyong “Helen”.
Nang dumalaw si President Aquino sa mga eva-cuation centers, nangako siya na sosolusyunan na ang baha. Pero hindi umano kasingdali ng pagluluto ng “instant noodles” ang pagsosolusyon sa baha. Maaaring bago raw matapos ang kanyang termino ay naisakatuparan na ang mga solusyon sa baha.
Isa umano sa paraan kung paano masosolusyunan ang baha ay ang paggawa ng mga dike. Ang mga dike ang sasalo ng tubig at dito tuluy-tuloy na magdadaan. Ang resulta: Maiiwasan ang pagbaha. Katulad ng ginawa sa Kuala Lumpur, Malaysia, kung saan gumawa sila ng 11 kms. tunnel na tinawag na Stormwater Management and Road Tunnel (SMART). Sa tunnel na ito pinadadaan ang baha. Kapag hindi ginagamit sa baha nagsisilbing alternative road ang tunnel kaya nababawasan ang pagkabuhol ng trapiko. Isa sa pinaka-mahusay at pinaka-maganda sa mundo ang ginawang tunnel.
Magagawa rin ang tunnel na iyon dito sa Pilipinas at malaki ang maitutulong. Pero gaya nga ng sinabi ni Aquino, hindi “instant noodle” ang programa na agad maiihain. Bibilang ng taon bago maisakatuparan.
Ngayong sunud-sunod ang bagyo at pagbaha, ang mas magandang magagawa ng gobyerno ay alisin na muna ang squatters sa mga delikadong lugar at ilipat sa ligtas na lugar. Huwag nang pabalikin doon para makasigurong walang mamamatay. Kapag naalis ang mga squatter saka ipursige ang paghanap ng solusyon sa mapaminsalang baha.