'Gupit'

ANG PAGKADALUBHASA ni minsan hindi naging basehan upang mapanghawakan ang kasalukuyang sitwasyon. Sadyang may mga bagay na hindi kayang resolbahin ng pagiging matalino.

Dumulog sa aming tanggapan sina Rowena “Wena” Valbuena, 29 taong gulang taga-Quezon City at si Emelita Caling, 55 taong gulang nakatira sa Nueva Ecija.

Kapwa nila inihihingi ng hustisya ang pagkamatay ni Ferdinand Caling o mas kilala bilang Ferdie. Si Francisco “Jun” Franco Jr. ang itinuturo nilang suspek sa pamamaslang.

“Ang alam ko lang na hindi pinagkasunduan nila ay ang tungkol sa negosyo,” simula ni Wena.

Si Wena ay ang ‘live-in partner’ ni Ferdie. Nagkakilala sila nang nagtatrabaho pa si Ferdie sa barberyang pagmamay-ari ni Jun.

“Regular kasi akong customer tapos magkasama lang kami sa iisang compound kaya nagkahulugan kami ng loob,” kwento ni Wena.

Nung tumagal-tagal na ang relasyon ng dalawa, nagpasya na silang magsama sa iisang bubong. Naghati sa mga gastusin at nag-ipon para makapagpatayo ng sariling negosyo.

“Magaling maggupit si Ferdie kaya naisip naming barberya ang itayo,” sabi ni Wena.

Sinabihan umano nila si Jun sa balak nila ni Ferdie. Hindi naman ito nagalit ngunit nagsabing “Ayos lang basta sa ‘min pa rin magtatrabaho si Ferdie.”

Ilang buwan matapos nilang maitayo ang ‘Magic Touch Salon and Barbershop’, nagpaalam si Ferdie kay Jun na magre-resign.

“Hindi pumayag si Jun. Galit na galit siya. Napilitang magpunta ng ibang bansa si Ferdie para lang makaalis sa pagtatrabaho dun,” salaysay ni Wena.

Taong 2009 lumipad papuntang Bahrain si Ferdie at nagtrabaho bilang barbero sa loob ng isang taon.

May narinig umano ang isang trabahador ni Jun na si ‘Tibo’ na nagsabi ito ng “Pag-umuwi may masamang mangyayari kay Ferdie.”

Binilinan umano ni Tibo si Wena na wag ng pauwiin si Ferdie.

“Nung una ‘di namin pinansin. Alam naming may galit siya pero hindi namin naisip na gagawin niya talaga,” wika ni Wena.

Ika-10 ng Oktubre 2010 nang umuwi si Ferdie ng Pilipinas. Siya na ang namahala ng kanilang negosyo.

Nadala ni Ferdie ang kanyang mga naging customer nung nagta­trabaho pa siya kay Jun kaya yun ang naging dahilan para lumaki ang kanilang barberya.

July 5, 2011…maulan…nagtutupi ng mga damit si Wena nang may marinig siyang dalawang magkasunod na putok ng baril.

Dali-dali siyang bumaba. Tumambad sa kanya ang nakahandusay na si Ferdie. Duguan at walang malay.

“Nakita ko pang pinutukan ng dalawang beses ni Jun si Ferdie,” wika ni Wena.

Nagsisigaw si Wena at humingi ng saklolo. Nang humakbang papalabas si Jun agad niya itong sinundan ngunit hindi niya nahabol.

“Hindi ko na naisip na baka ako naman ang barilin niya. Basta ang gusto ko nun mahuli siya,” kwento ni Wena.

Binalikan niya ang duguang si Ferdie. Sinalat niya ang pulso. Pilit na ginising. Niyakap niya ito at damang-dama niya ang init ng dugo nitong pumapatak sa kanyang katawan.

Ayon sa sinumpaang salaysay ng testigo na si Jonel dela Torre, isa sa mga trabahador nina Wena. May customer siyang nire-rebond nang dumating si Jun. Magpapagupit ito kaya ginising niya si Ferdie na natutulog sa upuan.

Nakasaad dun na ginupitan ni Ferdie at kinulayan ang buhok ni Jun. Lumabas si Jonel para bumili ng ‘fishballs’ sa di kalayuan nang may marinig siyang magkasunod na putok. Agad siyang bumalik sa barberya at nakita niyang yakap na ni Wena ang duguang si Ferdie.

“Wala akong narinig na pagtatalo. Wala ring sigawan, basta magkakasunod na putok ng baril lang,” wika ni Wena.

Nakatakda na sana ang kasal nina Wena at Ferdie ngayong dara­ting na Setyembre.

Ayon sa ‘autopsy’, ang ikinamatay ni Ferdie ay ang tama ng baril sa ulo at katawan.

Agad na nagsampa ng kasong “Murder” ang ina ni Ferdie laban kay Jun. Mula Nueva Ecija lumuwas siya ng maynila para makapaghain ng kaso dahil hindi maaaring si Wena ang magsampa.

Nagkaroon sila ng ‘hearing’. Isang beses lang dumating ang abogado ni Jun para makipag-areglo ngunit hindi ito pinansin nina Wena at Emelita.

Noong Oktubre 24, 2011 ay naglabas ng ‘resolution’ ang Prosecutor na si Lawrence D. Chua Cheng V. Ayon dito ang kaso ay ibinababa sa ‘homicide sa kadahilanang kulang umano ang ebidensya nina Wena para maging murder. Inaprubahan ito ng ‘City Prosecutor’ na si Donald T. Lee.

Nailabas ang ‘warrant of arrest’ noong April 25, 2012 at may piyansang apatnapung libong piso.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang kwentong ito ni Wena.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi namin lubos maisip kung bakit ibinaba ng prosecutor na may hawak sa kaso sa homicide gayung dapat ay murder ito. Paano magiging kulang ang ebidensya? Nakita ni Wena na nakahandusay na si Ferdie ay pinagbabaril pa din nitong si Jun. Walang anumang pagtatalo ang narinig.

Bakit magdadala ng baril si Jun kung wala siyang balak patayin si Ferdie?

Ano kaya ang dahilan at ang magaling na prosecutor na ito, ay dinesisyunan na ibaba ang kaso? Baka naman may ibang konsiderasyon kang inisip.

Kung naging patas ka dapat yung mas mabigat na kaso ang ikinakasa mo na naka-kiling sa biktima.

Sa panig naman nina Wena at Emelita dapat sana’y nag-file agad kayo ng ‘Motion for reconsideration’ para naimbestigahan pa itong mabuti.

Kung hindi naman kayo pagbigyan, maari din kayong mag-file ng “Petition for Review” sa tanggapan ni Department of Justice Secretary Leila de Lima. 

Sa ngayon wala nang magagawa dahil “Homicide” lang talaga ang naisampa sa korte. Ang importante, mahuli ang taong ito at masentensyahan dahil mahaba din naman ang katapat nitong pagkakakulong.

 (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bld sg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com

Show comments