NANG unang iharap sa korte nu’ng Martes si James Holmes, na namaril ng Batman moviegoers sa Colorado, kapansin-pansin ang kanyang mga mata. Anang mga tao, tulala siyang nakatitig sa kawalan. Hindi mo raw iisipin na masusi niyang pinlano ang shooting rampage sa sinehan, kung saan 12 ang napatay at 58 ang nasugatan.
Nang una ring iharap sa press si Mayor Andal Ampatuan Jr., na nag-massacre raw ng 57 katao sa Maguindanao nu’ng 2009, poot ang nabatid sa kanyang mga mata. Nang muling ma-news video, nakatawa ang mga mata niya habang dini-display ang presidential campaign wristbands nina Noynoy Aquino at Manny Villar.
Anang ilang psychologists mababatid sa mata ang ugali ng tao — pati kriminal. Sa “physiognomy” makikilatis umano ang ugali — agresibo, mapagkakatiwalaan o dominante -- ng tao batay sa hugis ng mukha at mata dahil sa testosterone niya habang nagbibinata o nagdadalaga. Paniwala pa nga na pati ang isip pampulitika, kung konserbatibo o liberal, ay dahil sa adolescence hormones.
Ang mata raw ng mamamatay-tao ay cool pero calculating: mapagmatyag, suspetsoso. Tila meron daw itong kakaibang talukab — parang sa ahas. Pero kinokontra ito ng ibang mananaliksik. Anila, mas madali basahin ang ugali ng tao sa pananamit, pabango, hairstyle at tattoo, kaysa mata at hugis ng mukha.
Nu’ng 2008 ginulpi sa kalye ng dalawang lasing na kabataan ang isang Arabo sa Manchester, England, hanggang mamatay ito. Pag-uwi ng isang nanggulpi, kinunan niya sa cell phone ang kanyang mga mata, at ikinalat sa social network na ito’y “Ang Titig ng Mamamatay-Tao.” Itinulad ng New York Post ang mata niya sa iba pang killers.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com