BULLYING ang isa sa mga problemang matagal nang kinakaharap ng kabataan saan mang lipunan siya nabibilang. Karaniwang sa mga establisimento tulad ng komunidad at eskwelahan ginagawa ang pambu-bully ng kapwa rin nila kabataan. Dahil din dito kaya naipanukala sa Kongreso ang House Bill 54-96 na naglalayong tapusin na ang ganitong uri ng pang-aabuso.
Ilang pag-aaral mula sa ibang bansa na rin kasi ang nagpatotoo na kung hindi karahasan ay depresyon na nauuwi sa pagpapakamatay ang nagiging epekto ng bullying sa mga batang nakararanas nito.
Pero paano na lamang kung ang inaasahang magbabantay at gagabay sa bata ang siyang nambu-bully? Ito ang reklamong inilapit sa BITAG ng isa sa mga estudyante sa kolehiyo ng Polytechnic University of the Philippines.
Isang taon na lamang ang kailangan niyang bunuin sa kaniyang pag-aaral subalit mukhang mauudlot pa ito nang dahil lang sa isang taong matindi ang galit sa kanya. Itinuturo ng estudyanteng lumapit sa amin ang kanyang guro na si Engr. Elaine Rodriguez.
Ayon sa kanya, dalawang semester nang ginagawa ng kanyang guro ang panduduro, pananakot at pamamahiya sa kanya sa harap mismo ng kanilang klase.
Nagsimula raw ang pambu-bully na ito nang pumanig siya at ipagtanggol ang kanilang class officers sa isang pagtatalo ng mga ito sa kanilang guro. Matapos na hindi magustuhan ng kanyang guro ang naging sagot ng biktima, mula noon ay paulit-ulit na niyang iniinsulto at pinagbabantaan ang pobreng estudyante.
Agad kaming nagpadala ng BITAG undercover upang kumpirmahin ang pambu-bully na naiparating sa aming tanggapan.
Huling huli sa aming camera ang pang-iinsulto at pagpaparinig ni Engr. Rodriguez sa kanyang binu-bully na estudyante. Nagawa pa niyang idamay ang buong klase ng biktima at kanselahin ang klase dahil lamang sa inis sa kawawang estudyante.
Kilos prontong lumapit ang BITAG sa Commission on Higher Education at Commission on Human Rights para idulog ang nararanasan ng estudyante sa sarili niyang guro. Malinaw na may pang-aabuso sa pagiging guro at paglabag sa karapatang pantao ng biktima.
Abangan mamaya sa BITAG, sa TV5 ang kabuuang dokumentasyon at kinahinatnan ng abusadong bully professor sa PUP.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.