MAALIWALAS ang natatanaw sa school year 2013-2014. Maganda ang hinaharap ng mga estudyante sa public schools sapagkat ang matagal nang problema sa kakulangan ng guro at silid-aralan ay matatapos na. Tinatalakay na ang budget ng bansa para sa 2013 at isa ang Department of Education (DepEd) sa pagkakalooban nang malaking budget. Umano’y P55.9 billion ang budget proposal sa DepEd. At ang malaking budget na ito ang nagpapasigla kay DepEd secretary Armin Luistro. Marami na siyang nakalinyang programa para sa ikauunlad ng karunungan ng mga nasa public school ganundin ng mga guro.
Una sa listahan ni Luistro ang pag-hire nang maraming guro sa susunod na taon. Ayon kay Luistro, 61,000 bagong guro ang kanyang iha-hire. Nitong nakaraang school opening, inamin ni Luistro na nahirapan sila dahil sa kakulangan ng mga guro. Nakadagdag sa problema ang pag-implement ng K +12 program.
Bukod sa pag-hire ng mga bagong guro, 66,000 classrooms din ang balak ipagawa ng DepEd. Tatapusin daw nila ang backlog. Wala nang magiging problema sa opening ng school year 2013-2014. Ibubuhos na umano lahat ang makakaya para malutas ang mga problema.
Isa pa sa magandang balak ng DepEd ay ang pagpapagawa ng 90,000 kubeta. Napakahalaga ng pagkakaroon ng kubeta sa mga eskuwelahan. Nakakaawa naman ang mga bata na walang mapuntahan sa panahon na kailangan nilang “magbawas”. Masyadong kawawa ang kanilang kalagayan na kapos na nga sa classroom ay pati kubeta ay kapos din.
Kung ang lahat nang balak ni Luistro ay maisasakatuparan --- maraming guro, classrooms at kubeta --- wow! Ngayon pa lamang ay nakikita na ang magandang kinabukasan ng mga estudyante sa public school. Kung maraming guro, tiyak na marami nang kabataan ang matututo. Lahat ay marunong bumasa, sumulat at magbilang.
Maaliwalas na bukas at “tuwid na landas” ang nakikitang tatahakin ng mga kabataan sa larangan ng edukasyon. Ito ang nararapat para lalo pang umunlad.