'Sombrerong Berde'
PARA SA ISANG magulang lahat ng kanyang mga anak ay mga santo-santito. Hindi sila maaring lumabag sa batas dahil ang babait nila.
UMALULOB…sunud-sunod na nag-tahulan ang mga aso sa daan. Ilang sandali mga putok ng baril ang umalingawngaw… bumasag sa katahimikan sa kalaliman ng hating gabi.
Dumungaw mula sa bintana ang isang ginang. Naaktuhan niya ang isang lalakeng tumalon mula sa bintana ng kapitbahay.
“Hoy… sino ka?! Bumalik ka dito!...” sigaw ng may-ari ng bahay.
Ang nanita ay si Jonathan “Atan” Serrano, 28 taong gulang. Kasama niya sa bahay ang asawa, tatlong mga anak at amang si Mang Jose Serrano, 76 anyos mas kilala sa tawag na “Mang Joe.”
“Hahabulin pa lang ng anak ko yung lalake, pumasok na agad sa bahay ang mga taga barangay,” kwento ni Mang Joe.
Sa halip na sumaklolo ang mga tanod ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig kwento ni Mang Joe, bahay nila ang hinalughog.
“Ano bang hanap ninyo?” tanong ni Mang Joe.
Sagot daw sa kanya, “Baril… ‘yang anak mo nanutok saka nang-holdap!”
Walang baril na nakita… tanging ang kupas na sombrerong berde na pagmamay-ari umano ni Mang Joe ang nakita sa loob ng bahay.
“Isuot mo yan!” utos daw ng isang tanod sabay tanong, “Sino pa yung dalawang kasama mo? Ituro mo!”
Hindi nakaimik si Atan. Mga suntok mula sa iba’t ibang kamao ang umano’y inabot niya. “Kahit gulpihin ninyo ako wala akong alam!” giit ni Atan.
Wala ng paliwanagan… sa barangay hall dineretso si Atan.
Naabutan ng mag-amang Serrano ang nagrereklamong si Glenda Mopon, 38 taong gulang. Tindera ng puto.
“Ito ba? Siya ba nangholdap sa ’yo?” tanong kay Glenda ng pulis.
“Siya nga!” pagdidiin ng biktima kay Atan.
Hindi na bago kay Atan ang tagpong ito. Ayon sa kanyang amang si Mang Joe, taong 2003 ng ireklamo ang anak ng kasong ‘Attempted Robbery Hold-up in relation to Sec. 5 (a) or R.A 8369’ (o ang pagdadala ng baril habang ‘election period’ kung saan ipinaiiral ang ‘gun ban’ nang isagawa ang panghoholdap).
Isang taon at kalahati rin nakulong si Atan sa City Jail ng Pasig subalit na-‘dismiss’ matapos magsumite ng Affidavit of Desistance ang complainant.
“Mistaken identity’(napagkamalan daw) lang ang nangyari nun.” wika ni Mang Joe.
Hindi daw holdaper ang kanyang anak dahil batak ang buto nito sa trabaho bilang ‘service crew’ sa mga ‘fast food chain’. Nagbakal, bote, dyaryo din. Nagtigil lang siyang maghakot mula ng manakaw ang pedicab na pang-service.
Nitong huli magandang trabaho na sana bilang sekyu ang naghihintay sa kanya… nabulilyaso pa. Holdaper daw ang labas niya.
“Ewan ko ba sa anak kong yan! Malas yata talaga siya sa trabaho,” pahayag ni Mang Joe.
Ano mang pagtatangol na gawin ni Mang Joe sa anak, giit ng biktimang si Glenda si Atan ang kumuha ng mga gamit niya. Ang palatandaan niya ang sombrerong asul na suot ni Atan ng mangyari ang holdapan sa kahabaan ng Kenneth Road, Brgy. Pinagbuhatan, Q.C.
“Ano? E ‘di ako pala ang holdaper? Akin yang sumbrerong yan! At saka hindi naman asul ang sombrero ko…berde!”giit ng amang si Mang Joe.
Ayon sa salaysay ni Brenda na ibinigay kay PO2 Juanito M. Sevilla sa SIDMB, Pasig City-Police Station, C. Raymundo Ave, Caniogan., Pasig City nung ika-2 ng Hunyo 2012, pirmado ni P/Senior Insp. Alan Miparanum.
Bandang 3:30 ng umaga habang naglalakad si Brenda sa nasabing lugar may lumapit sa kanyang tatlong kalalakihan na mga nakasuot ng sombrero na kulay asul at bigla na lang akong tinutukan ng baril at nagsabi na “Huwag kang kikilos holdup ito!”
Umikot yung isa sa likod at dinukot ang bulsa ko. Kinuha nila yung pera at cell phone niyang bago na nakalagay sa ‘shoulder bag’ at nagmadaling umalis.
Nanginig siya sa nerbiyos hindi na niya kayang maglakad kaya ng dumaan ang isang motor, umangkas si Glenda at nagpahatid sa barangay outpost para magsumbong. Dinatnan niya ang naka-duty na barangay Security Force at inireport niya ang nangyari.
Sinabi niya ang deskripsyon ng mga nang-holdap pati ang nakuhang gamit kabilang ang pambayad ng tubig at kuryenteng halagang Php2,000, cell phone na worth ng Php3,000, kulay berdeng panyo at personal na gamit na nakalagay sa shoulder bag. Ilang sandali dinala na si Atan sa brgy. Nakilala niya si Atan na isa sa mga humoldap daw sa kanya. Naging basehan niya rin ang sumbrerong suot ni Atan ng mangholdap.
Maliban sa pang-ho holdap ayon kay Mang Joe nagreklamo rin ang mga taga barangay ng pamamaril nitong si Atan.
Sa isang salaysay ng isa sa mga nagpatrolyang Brgy. Security Force na si Celso Perjes, Nakatanggap sila ng tawag mula sa kanyang kasamahan na nakatalaga sa Home Base na may hinoldap sa Kenneth Rd. Agad nila itong pinuntahan, inabot nila ang mga kasamahang galing sa Satellite 2 na noo’y hinahanap din ang suspek. Kasama niya si Edwin Aurellano at iba pang kasamahang rumonda sa kahabaan ng Ipil-Ipil St.
Nakasalubong nila ang isang taong tugma sa ibinigay na diskripsyon ng biktima…naka-sumbrebrong asul at asul ding damit. Nang lapitan nila ang lalake bumunot ito ng baril at pinutukan ang aking kasamang si Edwin na noo’y nasa kanyang unahan. Tumakbo ito sa iskinita… hinabol nila at nakita niyang pumasok ito sa bahay ni Mang Joe. Pinasok nila ang bahay at dun nila nadakip ang holdaper. Dinala nila ito sa kanilang opisina at dito positibo siyang tinuro ng biktima dahil sa sombrerong asul at ang gamit niyang panyo na pag-mamay-ari ni Glenda.
Ang holdaper at si Atan magkaibang tao ayon kay Mang Joe. Bitbit niyang sulat kamay na salaysay ng kapit bahay na si Conchita Kultura. Nakita daw nito ang isang lalakeng tumalon sa bintana nila Atan.
Sa ngayon nasampahan ng kasong Robbery Holdup sa Prosecutor’s Office ng Pasig City si Atan. Kasalukuyan siyang nakakulong sa Canogan, Headquarters sa Pasig. Itinalaga ang piyansa sa Php100,000.
Lumapit siya sa amin at bilang tulong nirefer namin si Mang Joe sa Public Attorney’s Office, Pasig.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882 (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Mang Joe.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, lagi naming sinasabi na sa pagitan ng isang positibong deklarasyon ng isang biktima at sa ‘alibi’ ng depensa, ‘denial is the weakest form of defense”.
Nakilala nitong si Glenda si Atan na siyang nangholdap sa kanya. Si Atan, Mang Joe at ilang kapitbahay naninidigan namang tulog si Atan ng mangyari ang insidente. Ang tingin ng taga-usig d’yan ay ‘self serving’.
Napakahirap din naman tanggapin ng isang ama na salbahe o masamang tao ang kanyang anak. Hindi iba si Mang Joe.
May dati ng nag reklamo sa kanya ng ganito (recidivist) subalit naayos lamang dahil sa isang ‘affidavit of desistance’ naulit na naman ngayon.
Hanggang saan at kelan ipagtatanggol (kukunsitihin) ng isang magulang ang anak? (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Landline: 6387285, 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City (Lunes-Biyernes).
* * *
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest
- Trending