Editoryal - Anong nangyayari sa mga kabataan?
TAGA-Calamba si Dr. Jose Rizal. Minsan nasabi niya na ang kabataan daw ang pag-asa ng bayan. Pero sa nangyari sa columnist ng Pilipino Star NGAYON na si Nixon Kua na walang awang binaril ng apat na kabataang holdaper, tila wala yatang pag-asa sa mga kabataan. Naliligaw ng landas ang mga kabataang pumatay kay Nixon at kung magpapatuloy ang mga ganitong uri ng kabataan, saan tayo patungo?
Malaking kawalan sa peryodismo ang pagkawala ni Nixon. Minsan, naisulat ni Nixon sa kanyang kolum ang tungkol sa madilim na kalsada sa hangganan ng Quezon City at Montalban. Binatikos niya ang kawalan ng ilaw sa lugar na ayon sa kanya ay mag-aanyaya sa mga masasamang loob para gumawa ng kabuktutan. Maaari anyang may mapahamak sa lugar dahil madilim. Binatikos din niya ang kawalan ng aksiyon ng mga local officials sa mga pumapasadang dyipni na walang ilaw. Mapanganib sa pedestrians kung walang ilaw ang mga dyipni sapagkat maaaring makasagasa.
Dalawang beses na sinulat ni Nixon ang tungkol sa madilim na lugar na iyon. Sino ang makapagsasabi na magiging biktima pala siya ng mga kabataang nagtago sa dilim sa bahagi ng eksklusibong subdibisyon. Sumalakay ang mga kabataan at hinablot ang bag ng kanyang anak na kinaroroonan ng perang pangsuweldo sa mga gumagawa ng kanyang bahay. Nang tangkang tutulungan ni Nixon ang anak, binaril siya ng mga kabataang holdaper. Namatay si Nixon noong Lunes ng gabi. Maaaring hindi na nabasa ni Nixon ang kanyang huling column noong Linggo (Hulyo 22, 2012 isyu).
Apat na kabataang suspects ang nahuli, dalawang araw makaraan ang pagpatay. Sila ay sina John Rey Cortez, 21, Darwin Samiano, 21, Michael Molinio, 21 at Noel Garcia, 22. Ang mga ito umano ay mayroon nang mga krimeng ginawa. Suspect din sa panggagahasa sa kanilang lugar. Nagawa umanong mangholdap, para may perang pang-areglo sa kanilang rape case.
Anong nangyayari sa mga kabataang ito? Nasaan ang mga magulang ng mga kabataang ito? Dapat silang parusahan nang mabigat sa nagawang krimen. Pati mga magulang nila, dapat ding parusahan. Sila ang dahilan kaya naligaw ng landas ang kanilang mga anak.
- Latest
- Trending