Oras lang ang binibilang

TOTOO ang kasabihan, na hindi maitatago ang isang krimen habambuhay. Katulad na lang nang nadiskubre ng isang magsasaka sa Quezon. Sa kanyang pag-aararo ng kanyang lupain, nabungkal ni Rommel Malinao ang isang mababaw na libingan na naglalaman ng mga kalansay ng hindi kukulang sa 30! Ipinagbigay-alam ni Malinao ang nadiskubre sa mga opisyal at Philippine Army. Sila ang naghukay ng mga kalansay at nalaman kung ilan ang nakalibing.

Ayon sa magsasaka, nangatog siya nang makita ang mga kalansay at naalala niya ang mga nawawalang tao noong dekada ’80 na hinihinalang dinampot at pinatay ng New People’s Army (NPA). Mga informant ang mga nawalang tao nang panahong iyon, ayon sa magsasaka. Kaya baka dito nilibing ang mga nawalang iyon. Ito ang ating bersyon ng “killing fields” ng Cambodia! At baka hindi lang ito ang libingan na nakatago pa sa lalawigan. 

Kung hindi natimbre kaagad ang mga pinatay sa Maguindanao massacre, baka ganito rin ang paraan kung paano sila madidiskubre. Ang krimen ay maaaring tabunan. Pero kung gaano katagal, o kadali bago madiskubre ay hindi ko alam. Ang masasabi ko lang, mauungkat at mauungkat ang mga nagawang mali sa buhay, kahit gaano kalalim pang nakalibing ang mga ito. Oras lang ang binibilang.

Napapag-usapan din lang natin ang mga nauungkat na krimen, ano kaya ang bagong malalantad na katiwalian o anomalya mula sa mga nakaraang administrasyon ni President Aquino sa kanyang pangatlong SONA? Natatandaan natin na sa kanyang nakaraang mga SONA, may lagi siyang nababanggit na anomalya, katiwalian at pang-aabuso na sangkot ang nakaraang administrasyon. Meron pa kayang nahuhukay, ika nga? Pangunahin sa mga pangako ni Aquino ang habulin ang lahat ng mga namantala sa gobyerno.

Pero bukod doon, marami na rin ang nagtatanong kung natutupad na ang mga pangako na kanyang pinahayag sa unang SONA. Baka malalaman na natin ngayon. Ayon sa Palasyo, wala silang gagawing “bangkang papel” na presentasyon, na ginawa ni Gloria Arroyo sa kanyang isang SONA. Bangkang papel na ayon sa marami, ay agarang lumubog sa bigat ng pagkabasa sa korapsyon!

Show comments