NOONG 2010, umangat ang China at naging ikalawang pinakamalakas na ekonomiya sa daigdig. Patuloy pang umaasenso ito hindi lamang sa ekonomiya kundi bilang lakas militar.
Pero tiniyak ng Chinese Vice President na si Xi Jinping na hindi ito “maghahari-harian” sa harap ng ibang bansa sa kabila ng paglakas nito. Di daw dapat ikatakot ang paglakas ng China. Sa pananaw ng Pilipinas at ibang nagmamasid na bansa, iba ang sinasabi ni Xi sa aktuwal na ginagawa ng China. Yung pagpapadala ng karagdagang barko sa Scarborough Shoal at pag-aakusa sa Pilipinas na “nag-uudyok ng komprontasyon” ay indikasyon na ang China ang naghahanap ng gulo.
Maganda sana ang sinabi ni XI. Hangad daw ng China na itaguyod ang pandaigdig na kapayapaan sa ikatatamo ng pagsulong ng ekonomiya ng mundo.
Sa kabilang dako, naniniwala si Sen. Miriam Santiago na sa kabila ng pagpapakitang-lakas ng China sa West Philippines Sea (Spratlys at Scarborough) papayag ito sa bandang huli sa joint exploration sa naturang lugar na mayaman sa mineral at krudong langis.
Ani Miriam, ayaw daw talaga ng China ang direct confrontation sa mga kalapit na bansa nito dahil ang nais ay mutual cooperation para sama-samang mapakinabangan ang pinagtatalunang lugar.
Kung totoo ang paniniwala ni Miriam, isama pa ang pahayag ng bise presidente ng China, sana ang natu-rang bansa na ang manguna sa ganitong adhikain: Joint exploration.
Sa ikapapanatag ng lahat ng bansa, sana’y magbigay na ng senyales ang China sa ganitong hangarin nito.