Maling reseta
KALIWA’T kanan sa klinika man o ospital, may maririnig kang kuwento ng kapabayaan o pagkukulang laban sa mga taong nasa larangan ng medisina.
Marami sa kanila, biktima ng mga bogus na doktor na pumapasok sa larangan kung saan di sila dalubhasa pero ang masakit sa lahat ay kapag pumalpak ang lehitimong doktor na kanilang nilapitan.
Isa rito ang pamilya Del Rosario na lumapit sa BITAG para ireklamo ang mga doktor na sumuri sa kalagayan ng batang si Fiona matapos lumala ang kanyang kalagayan.
Ang akusasyon sa mga doktor, kapabayaan sa pagrereseta ng tamang dosage at gamot sa anak nilang nilalagnat at sinisipon.
Dala ng kanilang tiwala sa dalawang doktor na kanilang kinonsulta, sinunod ng pamilya ang pag-inom ng bata sa antibiotic na kanilang inireseta at maging ang pagpapatuloy dito kahit pa lumalabas na ang allergy sa bata.
Nang kinuha ng BITAG ang panig ng dalawang doktor sa San Mateo, Rizal agad itinanggi ng mga ito ang paratang sa kanilang kapabayaan dahil malinaw umano nilang sinunod ang kanilang tungkulin.
Ayon sa isang espesyalista sa balat na si Dr. Jean Marquez, Steven Johnson Syndrome ang naging sakit ng bata kung saan epekto ito ng pag-inom ng gamot na nagdulot ng matinding allergy.
Sa kasong ito, ipinaliwanag ng Philippine Medical Association na walang batas para sa medical malpractice para protektahan ang mga biktima bunga ng di sinasadyang pagkakamali
Pero ayon sa isang eksperto sa batas na si Atty. Freidrick Lu maaari pa ring panagutin ang mga doktor sa kanilang pagkakamali sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong damages o reckless imprudence resulting to serious physical injury.
Kaya paalala ng BITAG sa publiko matuto sa pagkakamali ng iba para huwag nang maulit ang mga ganitong kaso ng pagkukulang.
Abangan ngayong gabi ang kabuuang detalye sa ginawang imbestigasyon ng BITAG sa TV5 pagkatapos ng Pilipinas News.
- Latest
- Trending