Pagsusulat pala’y magandang ugali
na taglay ng mga dakilang bayani;
Panulat ni Rizal saka ni Mabini
nagbigay ng dangal sa bayan at lahi!
Bukod sa kanila marami pang iba
na sa pagsusulat ay naging dakila;
Sa ngayo’y nariyan ang maraming diwa
ang mga sinulat ay yaman ng bansa!
Maraming editor at mga reporter
nabuhay, namatay tapat na supporter;
Nang mabuting puso’t gawaing matuwid
na sa buong bansa ay dapat mabatid!
Mga nagsusulat ng nobela’t kwento
ay kinikilala sa lahat ng dako;
Ating nakikita sa TV at radio
kanilang sinulat may aral na ginto!
Mga komentaryo mabuti’t masama
sa dyaryo’t magasin ating nababasa;
Kaya ang magsulat talagang maganda
ideya ng puso nalaman ng bansa!
Mga photographer sa lahat ng lugar
ang kamera nila nagbibigay-linaw;
Sa larawang kuha sa mga lansangan –
nasa caption nito ebidens’yang tunay!
Ang mga sakuna’t malagim na krimen
nailalarawan ng batikang writer;
Kaya sa husgado’y nagbibigay-pansin
sa tamang notasyon ng clerk na magaling!
Kaya ugali kong magsulat ng tula
sa gabi at araw aking ginagawa;
Ito ang gawaing sa akin ay akma
ay dito’y kabilang – Diyos na Dakila!
Ang mga composer, mga mang-aawit
lubha ring maganda ang kanilang hilig;
Kung sila ay wala sa ating daigdig
sa duyan ang sanggol ay di maghihilik!