Guwardiyang daig pa ang mga pulis sa kayabangan

DUMARAMI ang reklamong natatanggap ko mula sa mga mamamayan laban sa mga guwardiyang kung umasta ay mas siga pa sa mga pulis. Mga guwardiyang nagkaroon lamang ng baril ay saksakan na ng yabang pero hindi naman makakasa kung makakaharap ay mga holdaper. 

Iba’t ibang reklamo lalo sa mga nakadestino sa loob ng The Fort ---ang Aglipay Security Agency. Dala ang mga armas na mahaba at maikli at mga sasakyan ay animo’y mga SWAT na sumasalakay sa mga namamasyal sa loob ng complex o di kaya’y mga residente roon mismo. 

Walang pakundangang nanghihila ng sasakyan, akala siguro MMDA Towing din sila o baka naman gusto ng dagdag delihensiya, nambabastos ng mga motorista lalo na ang mga pobreng driver na nautusan lamang ng mga amo nila. Pinagsisigawan ang mga tao at parang mga SWAT na nagdadatingan na armado pang giyera na ikinatakot tuloy ng isang turistang kaibigan ko na nagkataong naroon nung Biyernes ng hapon. Buong akala ko may bankong naholdap, iyon pala traffic problem lamang. 

Paano na ang kampanyang “Its More Fun in the Philippines?” 

Dalawa sa guwardiyang mayabang at tahasan kong sasabihin ay hindi dapat bigyan ng anumang armas kahit batuta ay sina Darnel Cabrera at Malvel Palmares. Ang iba, hindi ko nakita ang pangalan pero sana ang Philippine National Police na may sakop sa mga guwardiya, hanapin ang mga pangalan nila at alisin ang mga kamote.

Nakakatakot ang mga inasta nila, ultimo mga pulis at military hindi ganoon kumilos. Tahasan kong sasabihin, pagmumulan ng gulo isang araw ang mga utak pulburang mga guwardiya na ito. 

Suggestion lamang sa mga PNP official, bakit hindi n’yo kunin ang mga pulis na ito at ipadala sa lugar ng Abu Sayyaf para masubukan ang kanilang tapang? 

* * *

Para sa anumang reaksyon o suhestiyon text e mail sa nixonkua@ymail.com

Show comments