ISA-ISANG pinapatay ang mga testigo sa tatlong taon nang Maguindanao massacre case.
Wala ba talagang magagawa ang gobyerno para bigyan ng seguridad ang mga testigo sa isang napaka-importanteng kasong kinapapalooban ng pagkitil nang maramihan sa mahigit 50-katao na ang karamihan ay mga media practitioners?
Hugas kamay naman ang Malacañang. Sabi ng Pa-lasyo, nag-alok ng seguridad ang pamahalaan sa mga testigo pero tinatanggihan.
Sabi ni Palace spokesman Edwin Lacierda, ang isang testigong pinatay na si Alijol Ampatuan ay tahasang tumanggi sa inalok na seguridad ng gobyerno.
Marahil, ang naganap na Maguindanao massacre ay matatawag na pinakamalubhang mass media killing hindi lamang sa kasaysayan ng Pilipinas kundi ng buong mundo.
Makikita natin ang bisa ng kamandag ng mga utak sa krimeng ito. Hindi magagawa ng karaniwang tao ang magpaligpit sa mga testigo para malusutan ang asunto.
Sa ngayon, daan-daan pang militiamen na kasangkot sa karumaldumal na krimen ang nakalalaya sapul nang maganap ang trahedya noong 2009. Kapag naubos ang mga testigo, ano pang pag-asa ang nakalaan tungo sa ikalulutas ng kasong ito? Wala na.
Huwag naman sanang mangyari na makalilmutan sa kasaysayan ang kasong ito at tuluyang maligwak pagdating ng araw. Hangad ng administrasyon ngayon ay putulin na ang era of impugnity at mapatawan ng karampatang parusa ang sino mang lumalabag sa batas ano mang ang katungkulan sa pamahalaan.