Tuwid na daan, huwad na katwiran
CHECKS and balances? Ano yun? Tila ganito ang mensahe ng Palasyo nang kumontra sa mga panukalang batas laban sa patuloy na pag-appoint ng mga paulit-ulit na bina-bypass ng Commission on Appointments (CA).
Ano nga naman ang keber ng Malacañang kung patay-malisya ang CA sa mga pilit pinauupo ng Presidente? Hanggat hindi sila hayagang ni-reject, tama lang daw na ipagpatuloy ang paghatid ng serbisyo. Respetuhin dapat ang kagustuhan ng Palasyo dahil, higit sa lahat, ang mahalaga ay ang kung sinong may tiwala at kumpiyansa ni P-Noy.
Ang probisyon ng Saligang Batas na nauukol sa usa-ping ito ay ang Seksyon 16, Artikulo VII na nagsasaad: Ang Pangulo ay dapat magnomina at, sa pagsang-ayon ng Komisyon ng Paghirang, dapat humirang ng mga puno ng mga kagawarang tagapagpaganap…
Ang kahulugan at kasaysayan ng probisyong ito ay malinaw. Ang power to appoint sa mga sensitibo at matataas na puwesto, habang nasa kamay ng Ehekutibo, ay obligadong isagawa sa pamamagitan ng pagsang ayon ng CA. Kahit pa sobrang husay ang nominado o kung hawak man nito ang tiwala at kumpiyansa ng Presidente, kapag hindi ito aprubado ng mga mambabatas, wala itong karapatang maupo. Kesyo ma-reject man ito o ma-bypass (tinatawag na soft rejection), basta wala itong basbas ay babay na. Ano pa nga ba kung hindi checks and balances in action ang mandando ng Saligang Batas?
Sinusuka ng noo’y Senador Benigno Aquino III ang gawain ng mga garapal na Presidente na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa malinaw na mensahe ng taumbayan. Mismong siya ay nagpanukala ng batas na kapag umabot sa dalawang beses na ma-bypass ang isang nominado ay diskwalipikado na dapat sa konsiderasyon.
Sina Justice Secretary Leila de Lima at Social Welfare Secretary Dinky Soliman ay 8 times nang hindi nakapasa sa CA. Five times bypassed si Sec. Paje ng DENR at 4 times naman si Sec. Robredo ng DILG. At tinawag ni P-Noy na “a clear mockery of the Constitutional Principle of Checks and Balances” ang ganitong gawain ni GMA.
- Latest
- Trending