Bagong tourism slogan, pero lumang gawi pa rin
IBINALITA ito ni Philippine Star columnist Babe Romualdez: Naakit ng bagong tourism slogan, “It’s more fun in the Philippines,” ang dalawang batang mag-asawa mula Europe. Pumasyal sila sa Boracay at nasiyahan. Mula ru’n, nag-overnight sila sa Manila. Kinabukasan, nag-taxi sila papunta sa Manila International Airport para sa flight pauwi sa Europe. Pagdating sa airport, bumaba sila at hinintay ang driver na buksan ang trunk lid para idiskarga ang bagahe nila. Ano’ng gulat nila nang biglang kumaripas nang takbo ang taxi, dala-dala ang mga maleta at souvenirs nila. Sa gulat, hindi nila nakuha ang pangalan at plaka ng taxi. Mabuti na lang ay nasa bulsa nila ang passports, airline tickets, at pitaka; kundi’y na-stranded sana sila sa airport. Isinumbong na lang nila sa kaibigan sa Maynila ang insidente. Hindi malaman kung saan nanggaling ang taxi; kung sa hotel man, ay nailista ba ng security ang plaka nito?
Tiyak ikakalat ng mag-asawang biktima ang insidente sa mga kababayan nila. Matatakot ang mga kapwa-Europeans na pumasyal sa Pilipinas. Mababawasan ang turista sa Pilipinas na bumubuhay sa maraming ma-ngingisda, manininda, gumagawa ng pagkain at inumin, waiters, masahista, tsuper, at iba pang empleyado at negosyante sa turismo. Dahil lang sa isang walang-hiyang patay-gutom, nagkaka-black eye ang buong Pilipinas.
Bago na nga ang tourism slogan, mula sa dating “Wow Philippines!” Pero nananatili ang bulok na sistema. Sira-sira at mabantot pa rin ang mga kubeta sa airports, seaports at bus terminals. Naglipana pa rin ang mandurukot at manggagantso sa tourist resorts at shops. May mga pulis pa rin na nanghu-hulidap. Maka-karma ang mga kawatan. Kaya lang, nadadamay ang mga inosente sa kasakiman nila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending