NATAWA ako sa obserbasyon ng isang kaibigan ko habang bumabaybay kami ng Pasay Road sa Makati. Napansin namin na nagkakatrapik sa tapat ng isang kilalang gym, dahil maraming nagpipilit na pumarada sa tapat nito. Kung ehersisyo naman ang pakay kaya pupunta sa gym, eh bakit hindi na lang pumarada sa malayo para doon pa lang ay nagsisimula na ang ehersisyo? Bakit pinipilit pumarada sa isang maliit na lugar na malapit sa gym, kung pagod din naman ang hanap? Hindi naman ganun kalayo ang isang malaking car park! Natawa na lang ako dahil may katotohanan ang kanyang obserbasyon at opinyon!
* * *
Sinibak na ang 10 opisyal ng PNP na sangkot sa helicopter scam kung saan dalawang segunda-manong Robinson R44 na helicopter ang binenta sa PNP, pero pinalabas na bago raw! Pati ang dating Unang Ginoo ay sangkot sa nasabing anomalya. Walo sa mga sinibak ay matataas na opisyal! Ano na ang mangyayari sa kanilang pangalan, pati na ang kanilang pensyon kung mapatunayang may sala sila?
Hindi ko talaga maintindihan ang anomalyang ito. Ganun na ba katanga ang tingin ng mga nasa likod ng pagbenta ng dalawang helicopter sa taumbayan? Na mapapalabas nila na bago ang mga helicopter? Talagang walanghiyaan na ang lakaran! Ganyan nakikilala na ang administrasyong Arroyo, na sinasabing pinaka-masamang administrasyon na sa kasaysayan ng Pilipinas! Mga anomalya na lantaran, pero naiisip pa rin na lulusot. Ika nga ni Jun Lozada, bubukol nang husto at mapapansin!
Sana nga may mahantungan ang kasong ito, at hindi mabaon na naman sa limot. Kapag hindi na kinukubra ng media, babagal na nang husto ang pag-usad ng kaso. Mabuti nga at sinibak na ang mga sangkot, at hindi nilipat lang para mawala sa init ng mata ng publiko. Kailan kaya ang araw na kung mahatulan silang may sala at makukulong kasama ang kanilang mga hinuli rin noong araw?