Kalayaan

Noong Hunyo 12 ay Araw ng Kalayaan

Kaya itong bansa ay muling nagdiwang;

Ang mga bayaning sawi sa digmaan

Sa ating gunita ay muling binuhay!

Dapat lamang namang tayo ay magsaya

Sapagka’t ang laya’y napakahalaga;

Kung ito ay wala wala ring halaga

Na mabuhay tayong hindi maligaya!

Sapagka’t ang bayang alipin ng dayo –

Tayo’y nasa kamay ng mga berdugo;

Mahirap mabuhay kung tayo’y ganito

Tiyak na dadanak ang maraming dugo!

At bakit nga hindi – dugo ng mahirap,

Dugo ng mayamang sa bayan ay tapat

Sila ay lalaban sa nagpapahirap

Tulad noong araw labana’y laganap!

Kaya tayo ngayon ay naging malaya

Dahil sa paglaban ng puso at diwa;

Mga Pilipinong may asawa’t wala –

Itinaas nila ang ating bandila!

Kastila at Hapon sa ati’y sumakop

Sila’y itinaboy sa sariling pook;

Basta’t ang damdamin ay masamang-loob

Tayong mga Pinoy hindi natatakot!

Sabihin mang tayo ay kulang sa armas

Tayo’y lumalabang hawak lang ay tabak;

Tayo’y walang takot masawi sa hirap

Basta’t sumaatin ang paglayang ganap!

Ngayong malaya na itong ating bayan

Huwag nating sayangin ating kalayaan;

Kung tayo’y haharap sa bagong labanan –

Ay tiyaking tayo ay nasa katwiran!

At iwasan natin lahat nang masama

Tayo’y pasakop lang sa mabuting gawa;

Mga taong-labas at tulisan pa nga

Sila ay akayin sa gawaing tama!

Show comments