NITONG nakaraang linggo, laman ng pinakamalaking balita sa palakasan ang Pinoy personalities. No, hindi ang Manny Paquiao fiasco ang tinutukoy ko. Ang boksing ay malaking sport – hindi sa bilang ng nakikilahok kung hindi sa bilang ng manunood. Isa ito sa pinakamalaking spectator sport sa buong mundo. Subalit sa talaan ng pinaka-popular na spectator sports, wala ang boxing sa top 5.
Ang top spectator sport in the world ay ang football o soccer, ang larong pinasisikat ngayon ng Team Azkals ng Pilipinas. Nagbukas lang last week ang pinamahigpit na pinagtatalunang kampeonato ng world soccer, ang Euro 2012 kung saan ang mga national team ng mga bansa sa Europa (na pinakamahuhusay sa mundo) ay nakikipagtunggali para sa titulong best in Europe na best din in the world. Sunod sa Soccer ay ang basketball, car racing, rugby at tennis.
Sa dalawa sa Top 5 na ito ay nakapag-iwan ng marka ang kapwa nating Pilipino. Una sa basketball kung saan, sa ikalawang pagkakataon, ay nadala ng kababayang si Erik Spoelstra, Head Coach ng Miami Heat sa National Basketball Association (NBA) ang kanyang team sa Finals. Kung sa buong mundo ay Soccer ang No. 1 sport, dito sa atin ay walang kaduda-dudang ang basketball ang No. 1. At mabibilang lang ang Pilipinong hindi nakakaalam at hindi nagmamalaki sa karangalang ibinigay ni Coach Spoelstra sa bansa.
Ang ikalawa sa Top 5 sport na namarkahan ng kapwa Pinoy ay ang tennis. Hindi bilang kampeon kung hindi bilang bahagi ng coaching team ng pinakasikat na tennis player sa mundo, ang bagong French Open Ladies Champion na si Maria Sharapova.
Ang captain ng Philippine Men’s Team na si Cecil Mamiit ang “hitting partner” ni Sharapova, posisyong parang exclusive sparring partner sa boxing. Hindi maitatatwa ang laki ng kontribusyon ni Cecil sa tagumpay ni Maria.
Sa katunayan ay nang mapanalunan ni Sharapova ang titulo last week ay si Cecil ang pinasalamatan niya matapos ang kanyang pamilya at coach.
Nadaya man si Manny ng mga sui generis na judges sa Las Vegas, sa kamay nina Erik at Cecil ay muling naitaas ang bandera nating mga Pilipino sa larangan ng world sports.