Pangangalaga sa karagatan
NOONG nakaraang Mayo, ginunita ang “Ocean Month” na may temang “Buhay Dagat, Buhay Natin.” Ang okasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 57 na nilagdaan ni President Erap noong 1999 kung saan binigyang-diin niyang “coastal and marine resources provide both economic and ecological benefits, such as food, livelihood, recreation, and other services, as well as biodiversity, aesthetic value, and shoreline protection.”
Isa sa highlight ng ocean month celebration ang International Day of Biodiversity (IDBD) noong Mayo 22 base naman sa deklarasyon ng United Nations para rito. Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lead agency sa pagsasagawa ng mga hakbangin sa naturang mga okasyon.
Ilan sa isinagawang aktibidad ay ang pagpapalaganap ng mga impormasyon sa pangangasiwa ng Sulu-Sulawesi Marine Eco-Region, Coral Triangle at Turtle Islands Heritage Protected Area sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga website at pagdaraos ng mga pampublikong talakayan hinggil dito.
Nagsagawa rin ng lecture-workshop, mural painting, photo contest, educational exhibit, poster making contest, educational tour, coastal clean-up at sama-samang pagtatanim ng mga bakawan upang itaas ang kamalayan ng publiko sa karagatan. Ang pangangalaga sa karagatan at yamang-dagat ay prayoridad na pandaigdigang kampanya laluna’t malaking bahagi ng karagatan sa mundo ay nasira na.
Sinasabi ng mga eksperto na maraming gawain ng mga tao ang nakasisira sa karagatan, tulad ng pagtatapon ng mga basura at nakalalasong kemikal sa katubigan; malawakang pangunguha ng yamang-dagat laluna ng mga isda at corals para lang gamitin sa aquarium o bilang dekorasyon sa bahay; maling sistema ng pangi-ngisda gaya ng paggamit ng dinamita, cyanide, malalaking lambat at panghuhuli ng yamang-dagat kahit sa panahon ng panganganak ng mga ito.
Ayon sa aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, ang mamamayan ay dapat makibahagi sa pangangalaga ng karagatan. Ibayo niyang isusulong ang mga lehislasyon para rito.
- Latest
- Trending