Malas

Sungit ng panahon ay ramdam ng tao

ito’y dumarating kung kailan ayaw mo;

Sa malaking ilog namangka si Cerio –

lumakas ang hangin alon ay nagloko!

Sa lakas ng hangi’t malalking alon –

ang bangka ni Cerio napadpad sa talon;

Siya’t tatlong anak ay nahulog roon –

sila ay patay nang nakuha ng patrol!

Habang nasa loob ng isang niyugan

lumakas ang hangin at biglang umulan;

Sa lakas ng hangin niyog nagbagsakan

may mutyang minalas siya ay namatay!

Sila ay maraming namaril ng ibon

sa gilid ng bundok napadako roon;

Walang anu-ano ay biglang lumindol

mga namamaril ay nalibing doon!

Mayro’ng mag-asawang noo’y naglalakad

sa tabi ng daang malawak na landas;

Nawalan ng preno ang malaking truck

sila’y sinagasa at namatay agad!

May magkasintahang namamasyal lamang

sa tabi ng dagat nang biglang umulan;

Kumidlat, kumulog sila’y tinamaan –

kapwa sunog sila na pinaglamayan!

Tatlong bata sila naglaro sa kalye

biglang nagkagulo di sila kumubli;

Palibhasa’y musmos sila ay nasawi

sa barilang pulis at mga salbahe!

Ang Mayor sa amin doon sa probins’ya

ninong ko sa kasal at kay bait niya;

Mga binabagyo tutulungan sana –

bumagsak na buko –pumatay sa kanya!

Mga naghahangad na biglang yumaman

laging naglo-lotto ay walng tamaan;

Kaya buhay nati’y walang katiyakan

lalo’t dumarating mga kamalasan!

Show comments