Banat uli sa Marikina
ALARMADO na ang taga-Marikina City dahil sa tumataas na bilang ng kriminalidad, tulad ng patayan at nakawan, sa kanilang lugar. Nitong Martes lang nanakawan ang isang negosyante at ang masaklap, na-rape ang kanyang 16-year-old na anak. Habang tumataas naman ang krimen sa kanilang siyudad, walang ginagawa ang pulisya at katunayan dun lang sila sa kanilang air-conditioned na opisina at nagmumuni-muni na parang walang nangyayari sa paligid nila. Ang tanong ng mga taga-Marikina, bakit nagkaganito ang peace and order sa kanilang lugar sa ilalim ni Mayor Del de Guzman? Ayon sa mga kausap ko, mukhang walang pakialam si De Guzman sa tumataas na kriminalidad. Nagkamali kaya si De Guzman sa pagpili kay Sr. Supt. Gabriel Lopez, ang hepe ng pulisya?
Hindi ko na babanggitin ang pangalan ng negosyante para maitago ang kahihiyan na naidulot sa kanyang anak dahil sa kapabayaan ng pulisya. Ang negosyante ay may catering service at abala siya sa pagpakain sa mga guro ng isang eskuwelahan sa kanilang “bonding” sa San Mateo at Rodriguez, Rizal. Nang kukunin na ng negosyante ang pagkain na inihanda sa bahay niya sa Scarlett St. sa SSS Village sa Bgy. Concepcion Dos, nakita niya ang mga suspects sa loob ng bahay at nililimas na ang pera at mga alahas. Armado ng baril ang mga suspect. Bago umalis, tinawag ng mga suspect ang dalagitang anak para kunwari, ito ang magsasara ng gate sa pag-alis nila. Iyon pala ay ni-rape ito sa salas.
Ngayon ang tanong ng mga taga-Marikina kay De Guzman. Nasaan ang mga pulis? Baka nasa burger stand niya si Lopez at inaalam ang benta?
Kapag lumalala kasi ang kriminalidad sa isang lugar, iisa lang ang obserbasyon ng mga pulis na kausap ko, kuripot ang kanilang hepe. Sinabi ng mga kausap ko sa MPD na kapag laging may accomplishments ang isang police unit, ibig sabihin, maluwag ang hepe nila. Kasi sasagutin ng hepe ng panggastos tulad ng pang-gasolina at pagkain ng mga pulis kaya masipag sila sa trabaho. Subalit kapag, hindi umaalis ang mga police sa mga opisina nila, ibig sabihin niyan, kuripot ang hepe nila. ‘Ika nga bulsa lang ng hepe ang gusto nyang magkalaman at presto…wala siyang accomplishments, di ba Sir Rocky? Si Rocky ang ginagamit ni Lopez para mag-ikot sa mga ilegalista at wala nang maidahilan si Lopez na wala siyang panggastos. Ang kakuriputan kaya ni Lopez ang dahilan kaya tumataas ang bilang ng kriminalidad sa Marikina? Anong sey mo Mayor de Guzman? Baka wala ka ring suporta sa mga pulis mo? Kaya habang papalapit ang local elections sa darating na Mayo, lumalakas ang sigaw ng mga taga-Marikina na, “Ibalik ang mga Fernando.” Sino kaya sa kanila, si Bayani ba o si Marides? Abangan!
- Latest
- Trending