PCSO...laging kaagapay'
MAHIRAP magkasakit… mas mahirap ang makita ang taong mahal mong nakaratay sa banig ng karamdaman na wala ka man lang magawa.
Ito ang bangungot ng mga taong lumalapit sa aming tanggapan…sa programa sa radyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang “PUSONG PINOY” ng DWIZ 882 KHZ tuwing Sabado mula 7:00-8:00 ng umaga. Hosted by Atty. Jose “Joy” Ferdinand Rojas II, ang General Manager ng PCSO at ni Monique Cristobal kasama rin si Aicel Boncay.
“Gusto lang naming gumaan ang kanilang dinadala… gusto naming madugtungan ang kanilang buhay,” pahayag ni Atty. Joy.
Iba’t ibang uri na ng taong may karamdaman ang lumapit sa “PUSONG PINOY” at wala ni isang tinanggihan ang PCSO.
Isa sa mga nagpunta si Lucena D. Mansibang, asawa ng pasyenteng si Rufo Mansibang, 51 years old, dating ‘security officer’.
March 5, 2012 nang ma-diagnose na may colon cancer, stage IV si Rufo.
Nakitaan ng sintomas ng pananakit ng tiyan si Rufo buwan ng Mayo 2011.Inakala niyang empatso lang ito subalit ng hindi na matiis ang sakit diresto ospital na si Rufo. Sumailalim siya sa ultra-sound subalit walang nakitang problema. Dumalas ang sakit ng tiyan ni Rufo kasabay ang biglang pagbaba ng timbang niya.
Buwan ng Enero 2012, nang ipa- ‘endoscopy’ (pagpasok ng apartong may kamera sa puwet papunta sa bituka) ang mister. Dun nakita ang bukol sa kanyang colon.Sinubukang tanggalin ang bukol subalit nang buksan ang kanyang tiyan nakitang napakalaki na nito, nakadikit na sa kanyang ugat kaya hindi na tinuloy. Sumailalim siya sa Chemotherapy. Paliliitin ang bukol saka tatanggalin.
Anim na ‘cycles’ na chemotherapy ang kailangan ni Rufo. Sa pagtutulungan ng kanyang pamilya natapos na niya ang dalawang cycles. Ang problema, wala na silang mapagkukunan ng mga susunod.
“Said na said na kami kaya humingi na kami ng tulong sa PCSO sa Pusong Pinoy...” wika ni Lucena.
Pinakumpleto na kay Lucena ang mga dokumentong kailangan para maiproseso na ang kanyang ‘request for chemo’ sa lalong madaling panahon.
Isang 10 taong gulang na batang babae naman ang inihingi ng tulong ng kanyang inang si Daisy Esmerio. Ang anak ni Daisy na si “Dimple” ay nakakaranas ng hindi pangkaraniwang uri ng ‘cancer’. Ang Squamous Cell Carcinoma. Cancer sa balat na tumutubo sa ating ‘tissues’.
Sa kaso ni Dimple, tumubo ang bukol sa kanyang ilong. Disyembre 2011 nang unang ma-‘confine’ si Dimple sa Amang Rodriguez Hospital dahil sa pamamaga ng kanyang kidneys. Nailipat siya sa Kidney Center para gamutin.
Apat na buwang uminom ng anti-biotic si Dimple. Umigi ang lagay niya subalit napansin ni Daisy ang paglabas ng mga bukol at pasa sa binti ng anak.
Nitong huli isang maliit na sugat naman ang tumubo sa kanyang ilong. Mabilis ang paglaki ng sugat hanggang maging bukol.
Buwan ng Abril 2012 nakumpirmang may Squamous Cell Carcino siya.
Pinaliwanag ng doktor na ang uri ng cancer na dumapo kay Dimple ay bihira. Hindi pa rin nila matukoy ang pinagmulan nito. Ang kailangan ngayon, sumailalim sa chemotherapy at tanggalin ang bukol sa kanyang ilong.
Bago ito gawin, iba’t ibang ‘laboratory procedures’ ang dapat pagdaanan ng bata. Ang 2D echo, CT Scan at hearing screening. Ang magiging resulta nito ang pagbabatayan ng doktor kung ooperahan ba muna ang bata o iki-‘chemo’.
Malaki ang naging epekto ng sakit ni Dimple. Kwento ni Daisy, nahihiya na siyang makipaglaro dahil sa bukol sa ilong. Ngongo na din siya magsalita.
Sa laki ng bukol, halos matakpan na ang butas ng ilong ni Dimple. Tanging operasyon at chemotherapy ang magpapaigi sa kundisyon nito.
“Ang asawa ko may sakit sa puso. Umeekstra lang ako sa pagawaan ng t-shirt. PUSONG PINOY na lang ang pag-asa ng anak ko,” wika ni Daisy.
Sa ngayon kinumpleto na ni Daisy ang mga ‘requirements’ na kailangan ng PCSO. Matapos nito hihintayin na lang niya ang paglabas ng ‘guarantee letter’ (GL) galing sa PCSO na hindi tatagal sa sampung (10) araw.
Dalawang Kidney Transplant Patients rin ang patuloy na tinutulungan ng programang “PUSONG PINOY”. Si Ma. Sheryl Cobrador, 30 years old.
Ika-20 ng Oktubre 2011 nang isagawa ang Kidney Transplant kay Sheryl. Ang naging ‘donor’ niya ang inang si “Perla” 52 taong gulang.
Nasa Hong Kong si Sheryl, nagtatrabaho bilang Domestic Helper (DH) nang ma-diagnose na may sakit sa bato. Pamamanas ng talukap ng mata, pamumulikat ng mga paa at pagiging ‘high blood’ ang unang mga palatandaan ng sakit niya.
Nagpa-check up siya, ni-‘urinalysis’ (test sa ihi). Napansin ang kulay berde na ito’t nakitaan rin ng ‘protein’. Nalamang may sakit siya sa bato.
Sumailalim siya sa hemodialysis ng ilang taon. Pag-uwi sa Pinas, nagdesisyon siyang magpa-transplant. Isinagawa ito sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI). Maayos ang naging resulta ng operasyon.
Sa tulong ng PCSO mula Oktubre 2011 umiinon na siya ng anti-rejection drugs, (maintenance). Umaabot ito sa halagang Php65,000 kada buwan.
Iba naman ang naging kundisyon ni Juvelyn “Juvy” C. Clenuar, 29 anyos, kidney transplant patient rin. Pinanganak si Juvy na iisa lang ang kidney (sa kaliwa). Sampung taon siya nang madiskubre ito matapos makaranas ng pamamanas.
Niresetahan siya ng gamot para sa kidney subalit 15 taon makalipas,umatake itong muli. Nalamang lumiit na ang kidney niya kaya agad siyang nag-dialysis.
Taong 2010 nang i-transplant si Juvy. Ang ate niya ang naging donor. Ikinabit ang panibagong kidney sa kanyang kanang kidney.
Patuloy rin ang pag-inom ni Juvy ng anti rejection na gamot. Tulad ni Sheryl ang PCSO rin ang tumutulong sa mga gamot ni Juvy.
“Salamat sa PCSO. Marami pa sana kayong matulungan,” wika ni Juvy.
Ilan lang sila sa mga lumalapit sa “PUSONG PINOY”. Ang PCSO ay hindi nagsasawa at bukas palad na nag-aabot ng tulong para sa mga kababayan nating salat sa buhay para maramdaman nilang sa ganitong pagsubok at hamon ng buhay… hindi kayo nag-iisa. Kaagapay niyo ang PCSO.
Pakinggan ang kabuuan ng istorya nila Juvy sa SABADO, sa programang “PUSONG PINOY” sa DWIZ 882 KHZ, 7:00-8:00 ng umaga.
Para sa gustong lumapit sa PCSO para sa kanilang problemang medikal, ang “PUSONG PINOY” ay bukas para sa inyo. Pumunta lang sa 5th floor CityState Center Bldg. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Landline: 6387285. 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City (Lunes-Biyernes).
Ugaliin din makinig ng programang “Pari Ko” tuwing Linggo, alas 9:30-10:30 ng gabi sa DWIZ882 KHZ hosted by Fr. Jojo Buenafe, Fr. Jason Laguerta, Bro, Ernie Sanchez at Atty Joy Rojas.
Maari kayong magpadala ng ‘Petition for Prayers’ para sa inyong mga mahal sa buhay na may sakit, namayapa o para sa kanilang magandang kalusugan.
* * *
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest
- Trending