KAWAWA tayo kapag nilusob ng sangganong bansa. Hindi makakaganti sapagkat mga pinaglumaan ang mga gamit panggiyera. Yung mga barko at eroplano na galing United States ay matagal ginamit sa Vietnam war. At nakadidismayang malaman na malaki pa rin ang ginagastos ng Pilipinas para madala ang mga barko o eroplano rito. Hindi masasabing kaloob nga ng US sapagkat gumagastos nang malaki ang Pilipinas.
Halimbawa ay ang US Coastguard Cutter na pinangalanang BRP Gregorio del Pilar. Bago nadala rito ang Cutter, gumastos ng P450 million ang Pilipinas. Masaklap pa, maraming kulang na equipment ang barko. Umano, bago ipinagkaloob ang barko sa Pilipinas ay inalis ang mga mahahalagang equipment. Hinubaran muna.
Umano’y mayroon pang ipagkakaloob ang US na isa pang warship --- ang USS Dallas, na 45-taon na ang gulang. Bago raw matapos ang 2012 ay darating ang USS Dallas. Hindi naman sinabi kung magkano ang gagastusin ng Pilipinas para sa pagdadala o pagta-transfer ng warship. Tiyak aabutin ng milyong piso ang gastos.
Kapag dumating na ang warship, magiging dalawa na ang nagpapatrulya sa pinag-aagawang Scarborough Shoal. Pero kahit pa madagdagan ang warships, hindi pa rin uubra sa modernong gamit ng China. Ano ang ikakaya ng mga lumang warship sa modernong mga barko ng China?
Binabatikos naman ang mababang military financing assistance ng US sa Pilipinas na umaabot sa $30 million. Saan aabot ang halagang ito? Sabi ni Senate President Juan Ponce Enrile, kaya ng Pilipinas na mag-provide ng $30-million. Kung siya raw ang masusunod, huwag nang tanggapin ang financial assistance.
Maaari namang magkaroon ng sariling barkong panggiyera ang Pilipinas kung talagang gugustuhin. Maaaring bumili sa ibang bansa. Hindi kailangang mamalimos sa US na pawang pinaglumaan ang binibigay. Kung patuloy na aasa sa Kano, hindi magsisikap na magkaroon ng sarili. Huwag mamalimos sa habampanahon.