Bakit malakas pa ang Dominguez carjack group?
INIUTOS ni DILG Sec. Jesse Robredo ang PNP na hana pin at hulihin ang mga natitirang miyembro ng grupo ni Raymond Dominguez. Ito matapos matagpuang patay si Alfred Mendiola, ang star witness laban kay Dominguez sa kasong pagkidnap at pagpatay kay Venson Evangelista. Natagpuan sa Cavite ang bangkay ni Men diola at dalawang iba pa.
Pinakita lang kung gaano kakilabot ang Dominguez carnapping group! Kahit nasa kulungan na ang kanilang pinuno, ay nakakagawa pa rin sila ng matinding krimen laban sa mga kumokontra sa kanila. Natural na sila kaagad ang iisiping nasa likod ng krimen, dahil sa kahalagahan ng testimonya ni Mendiola laban sa mga Dominguez. Si Mendiola ang nagturo sa magkapatid na Dominguez na utak sa carnapping at pagpatay kay Evangelista. Hindi ito ang unang beses na may nagtangka sa buhay ni Mendiola. Hinagisan na ng granada ang kanyang selda pero nakaligtas siya. Hindi na siya sinuwerte ngayon.
Kaya ngayon na naman pinakikilos ang PNP, kapag may naganap nang krimen sa testigong pinoprotektahan dapat nila! Ano na kaya ang mangyayari sa kaso laban kina Dominguez? Nakakausap ba ni Dominguez ang mga galamay niya? Napopondohan pa ba ang kanyang mga kasama? Tama lang na hanapin ang mga nasa likod ng krimeng ito. Malinaw na aktibo pa sa krimen ang grupo. Maraming masasamang gawain pa ang pwedeng ilatag sa buong bansa! May pondo pang nakukuha kaya nakakakilos. Ito ang dapat hanapin. Pahintuin o pigilin ang pagpasok ng pera sa kanila, para matuyo at tumigil ang mga kilos. Alamin na rin kung bakit buo pa sila kahit nakakulong na ang mga pinuno. May bagong lider na ba? Hindi biro itong nangyari kay Mendiola. Alam nilang sila ang unang pag-iinitan pero tila wala silang takot. Bakit kaya? Baka naman may mga padrinong hindi pa lumalantad! Baka naman iba na ang lider at hindi mga Dominguez? Ano man ang mga sagot, kailangan hulihin na lahat sila!
- Latest
- Trending