Isyu ng kahirapan at kagutuman

NAPAGKUWENTUHAN namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito ang babala ng Asian Development Bank (ADB) hinggil sa paglala ng kahirapan at kagutuman sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa sa Asya at Pasipiko.

Ito ay sa ulat na “Food Security and Poverty in Asia and the Pacific: Key Challenges and Policy Issues” na inilahad ni ADB Pacific Department director general Xianbin Yao sa 45th annual meeting ng ADB board of governors na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC).

Ayon kay Yao, pinakamalaking hamon sa nasabing mga rehiyon ang food security lalo na sa harap ng usapin ng climate change, paglobo ng populasyon at mga kaganapan sa ekonomiya ng buong mundo. Kasabay umano ng pag-unti ng produksiyon at supply ng pagkain ay lalong dumarami ang mga maralita na nahihirapang makabili ng pagkain dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo nito.

Ayon kay Jinggoy, kailangan nang asikasuhin nang sapat ang pagpapalakas ng agricultural productivity ng ating bansa kasabay ng paglikha nang maraming trabaho para sa taongbayan.

Agricultural country ang Pilipinas kung saan 47% ng lupain ay angkop sa pagtatanim. Humigit-kumulang sa 36% ng ating labor force ay nakabase sa agrikultura. Pero sa kabila nito, malaking bahagi pa rin ng naturang labor force ang walang regular na hanapbuhay o kaya naman ay maliit ang kinikita kaya nahihirapang makabili ng pagkain.

Kabilang sa advocacy ni Jinggoy ang modernisasyon at komprehensibong pagpapaunlad ng agrikultura para sa food security at pag-angat ng kabuhayan ng mga agriculture-based community na magbubunsod naman ng kabuuang paglakas ng ekonomiya ng ating bansa.

* * *

Happy birthday Bishop Reynaldo Evangelista ng Boac, Marinduque (May 8).

Show comments