SA gitna ng sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China ukol sa Scarborough Shoal nandun ang unti-unti ring lumalaking problema sa exportation ng saging ng ating bansa sa China.
Ang China ang pinakamalaking market ng ating Cavendish bananas na nanggaling dito sa Southern Mindanao. Ang rehiyon ay nasa pangalawang puwesto sa top-banana producing areas sa mundo.
Ang saging ay top export product ng Southern Mindanao maliban pa sa pineapple, coconut, asparagus, mango at iba pang agricultural produce. May higit 33 na malalaking banana plantations dito sa rehiyon na pagmamay-ari rin ng mga multinational companies gaya ng Sumifru, Dole, Del Monte at iba pa. May tinatayang 300,000 hectares ng lupa na ang nakatanim ay saging.
At maliban pa sa fresh Cavendish bananas, ang Pilipinas din ang pinakamalaking supplier ng banana chips sa China simula noong 2007 na kung kailan nagsimula ang malakihang exportation ng banana chips sa naturang bansa.
Ngunit nitong mga huling linggo ay medyo may problema na ang pagpadala ng saging sa China.
Hindi pinayagan ng China ang pagpasok ng isang shipment banana exports na pinadala ng Sumifru Fruits Corporation. Ito raw ay dahil nga may mga problema sa quality ng saging sa nasabing shipment.
Labis na nabahala ang mga opisyales ng Philippine Banana Growers and Exporters Association (PBGEA) dahil nga kung magpatuloy na haharangin ng China ang pagpadala ng ating saging, nangangahulugan ito na posibleng babagsak talaga ang banana industry ng ating bansa.
Hindi lang Sumifru ang maaapektuhan sa pagharang ng banana shipment patungong China kundi ang may higit 200,000 direct workers ng mga banana plantation at maging ang kani-kanilang pamilya. Kung babagsak ang ating banana industry, ibig sabihin gutom ang kahihinatnan ng ating mga kababayan na nakasandal sa saging ang pangkabuhayan.
At ayon sa industry insiders, patuloy na naghahanap pa ang China na kung anu-ano pang butas sa pamamagitan ng pag-angat ng kanilang standards para sa mga saging na papasok sa kanila.
Sana naman ay magawan ito ng paraan ng Aquino administration na hindi tuluyang bumagsak ang ating banana industry na ngayon ay naging “sagging industry” na dahil sa gulo sa pagitan ng China at ng Pilipinas.