May proteksyon ba ang mga lokal na industriya?
NAGBABANTA ang mga nag-aalaga ng baboy ng isang “pork holiday”, kung hindi raw kikilos ang gobyerno na sugpuin ang iligal na pagpasok ng mga imported na frozen na baboy, at kung hindi babaguhin ang mga patakarang pinataw sa kanila. Agrabiyado raw sila sa pagpasok ng imported na baboy sa bansa, maging legal o hindi. Malaki na raw ang nabawas sa benta nila, na naging sanhi ng pagsara ng ilang kompanya! Tila sinisisi nila ang Department of Agriculture at ang Bureau of Customs na halos wala raw nagagawa para mabawasan ang ilegal na pagpasok ng imported na karne, at pinahihirapan pa raw sila sa pamamagitan ng ilang patakaran. Sa madaling salita, pinapaboran daw ang imported na karne kaysa sa lokal na produkto.
Palaging ganito ang dahilan, hindi lang mula sa industriya ng pagkain, kundi sa lahat. Natatamaan ang mga lokal na produkto dahil sa pagpasok ng mga imported na kalakal, na lumalabas na mas mura. Mas mura dahil kadalasan pinuslit nga papasok ng bansa! Kung talagang ipapataw ang mga tamang buwis sa mga imported na pagkain o kagamitan, di hamak na lalabas na mas mahal kaysa sa mga produktong dito ginawa. Pero daing ng mga nag-aalaga ng baboy, niluwagan ang mga patakaran hinggil sa pagbenta ng imported na karne sa lokal na merkado, habang hinigpitan naman sila. Hindi raw patas ang laban. Ayon sa kanila, 300 porsiyento ang tinaas ng pag-angkat ng imported na karne sa nakaraang tatlong taon! Marami nga naman!
Kung ganun ang sitwasyon, dapat nga pag-aralan ng DA ang kanilang daing. Kailangan ding bigyan ng atensyon ng Customs kung totoo nga na maraming imported na karne ang nakakapasok na walang pinapataw na buwis. Dapat nga naman na ang sarili nating produkto ang tinatangkilik, kung maganda naman ang kalidad at tama lang ang presyo. Gawang Pilipino para sa Pilipino, ika nga. Mahirap labanan ang pagpupuslit. Kadalasan ay nakakain ng sistemang tiwali ang mga opisyal, dahil napakalaking pera ang pinag-uusapan.
Dapat mabigyan din ng proteksyon ang mga lokal na industriya, hindi lamang sa pagkain, kundi sa lahat! Kung bakit may ganitong reklamo sa ilalim ng administrasyong Aquino ay nakakagulat. Hindi dapat, di ba?
- Latest
- Trending