Paano patutunayan na hindi anak ang bata?
MAGANDA at kaakit-akit si Dolly. Naging artista siya at lumabas sa pelikula noong araw. Marami siyang siyota at madalas sumama sa mga ito. Isa sa mga naging boyfriend niya si Romy, guwapo at mayaman. Mahilig sa magaganda at seksing babae si Romy.
Noong una silang magkita ay agad naakit si Dolly si Romy. Inumpisahan ng binata ang pagdalaw sa kanyang bahay at madalas ay iniimbitahan pa siyang lumabas para mag-night club, magdisco at mamasyal tuwing Sabado’t Linggo. Nagkaroon ng relasyon at nagsama sa isang apartment. Kumpleto ito sa gamit. Sagot ni Romy lahat ng gastos sa bahay maging ang suweldo ng katulong. Isang beses, sumama pa si Romy sa pagpapa-check-up ni Dolly at sa pagkakaospital ng babae.
Habang nagsasama ang dalawa ay nanganak si Dolly. Isang sanggol na babae. Ayaw kilalanin ni Romy na anak niya ang bata. Lumalabas kasi na ipinagbuntis na ni Dolly ang sanggol bago pa man sila nagkakilala. Lalong lumakas ang kutob ni Romy nang malaman niya na habang may relasyon sila ng babae ay sabay naman nitong kinakalantari ang dalawang lalaki na nagkataong kaibigan pa niya. Dahil sa kanyang pagtanggi, sinampahan siya ng kaso ni Dolly sa korte upang ipilit na kilalanin niya ang bata.
Habang nililitis ang kaso, napagkasunduan nila na magpablood-test sa NBI para malaman kung anak niya ang bata. Sa blood test ay kukuhanan ng dugo ang bata, ang nanay at ang sinasabing tatay upang pag-aaralan kung magkakagrupo ang kanilang dugo. Lumabas sa resulta na hindi magkagrupo ang dugo ng bata at ni Romy kaya hindi puwedeng maging anak nina Romy at Dolly ang bata. Ayaw tanggapin ni Dolly ang resulta ng blood test at pilit iginigiit na hindi naman sapat ang resulta ng blood test para patunayan ang pagiging ama ni Romy. Kaya raw niya itong kontrahin sa pamamagitan ng ibang ebidensiya. Tama ba si Dolly?
MALI. Maaaring hindi sapat ang blood test para patunayan na anak ng isang lalaki ang bata pero sapat ito para patunayan kung talagang hindi niya tunay na anak ang sanggol. Ibig sabihin kasi, kung hindi magkapareho ng grupo ang dugo ng sinasabing tatay at ng sinasabing anak, talagang malabo at imposibleng sabihin na magkadugo sila. Hindi puwedeng maging magkaiba ang grupo ng dugo ng mag-ama. Ito ang desisyon sa kasong Jao vs. Jao, GR. L-49162, July 28, 1987.
- Latest
- Trending