Agwat
AYON sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), pinaka-mataas na raw ang minimum wage ng Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa rehiyon. Kung dollar ang gagamiting batayan, nasa halos $10 kada araw ang minimum wage sa Pilipinas, kumpara sa $2.20 sa Vietnam, $2.00 sa Cambodia, $2.09-3.00 sa Indonesia, $5.20-5.90 sa Thailand at $3.75-5.00 sa China. Kung tama ang mga datos na ito, halos doble na pala ang mi-nimum wage ng Pilipino kumpara nga sa mga bansang nabanggit. Pero ang tanong, lahat ba ay nababayaran ng minimum wage? Hindi, di ba?
May tinatawag kasi na contractual workers. Ibig sabihin, hindi sila mga regular na empleyado, kaya hindi sakop ng minimum wage. Isa nga sa mga hinihingi ng mga manggagawa ay ang batas kung saan magkakaroon ng seguridad sa trabaho ang mga empleyado sa gobyerno at sa pribadong sektor, para mawala na nga yung contractualization na tinatawag. Hindi kasi bawal ang contractual hiring ng mga empleyado, na ginagawa pati ng mga ibang ahensiya ng gobyerno.
Pero ayon sa ECOP, hindi lang sahod ng mga empleyado ang kanilang dapat isipin. Nandyan na rin ang pagtaas ng mga materyales, gasolina o diesel para mapatakbo ang negosyo, pati na rin ang kumpetensiya kung saan pinakita sa atin na mas mura talaga ang sahod sa ibang bansa, kaya naman naglilipatan na ang ibang mga negosyo sa mga bansang ito, lalo na sa China. Alam naman natin na mahirap labanan ang presyo ng produktong China, kasi nga mura ang kanilang materyales at labor. Bulok, pero mura.
Ang pagpapatakbo ng negosyo ay ang magandang balanse ng lahat na ito. Kung malakas ang negosyo, bakit hindi itataas ang suweldo? Pero kapag humina, puwede bang bawasan din? Kung mapipilitan silang magbigay ng mataas na sahod sa panahon ng kahinaan ng negosyo, ano pa raw ang gagawin nila kundi magsara na lang? Eh di mas napasama pa para sa lahat. Ito ang kanilang daing.
Katatapos lang ng Labor Day. Ang sorpresa na pinangako ni President Aquino – mga ibang benepisyo at hindi pagtaas ng sahod – ay sinalubong ng dismaya, na may konting pag-asa. Aminado ang ilang grupo na masyadong mataas ang hinihinging dagdag sa sahod ng mga militanteng grupo. Ang tanong kasi, kasya na ba ang P426 kada araw para magpakain ng pamilya na may anim na miyembro? Ang kontra naman ay bakit isa lang ba ang may trabaho? Kung dalawa, o tatlo pa ang may trabaho, kasyang-kasya na nga siguro. Pero ang katotohanan ay mas madalas na isa lang ang may trabaho, at malaki pa ang pamilya. Ibang isyu na iyan para sa ibang araw.
Kelan ba naman nagkasundo ang tila magkatunggali na panig ng mga empleyado at mga “bosing”? Wala pa yata akong nakitang pagdiwang ng Mayo Uno na walang kilos-protesta. Sa tingin ko hindi talaga magkakasundo kailanman, habang may malaking agwat ng mga mahihirap at mga mayayaman. Sa tingin ko, mas mahalaga ang mapalakas ang ekonomiya ng bansa, kaysa yung mga isyung ito sa ngayon. Sa mga bansang malakas ang ekonomiya, hindi masyadong isyu ang sahod at negosyo dahil maganda naman ang kita ng lahat. Iyon ang dapat nating maabot. Kapag naganap na iyan, hindi na siguro mahirap ang usapang sahod at negosyo.
Pero kailan naman kaya iyon? Pagputi ng uwak?
- Latest
- Trending