High-tech na kagamitan
NATUWA ako sa pinalabas naming episode sa Rated K noong Linggo. Mga pinaka-bago at high-tech na kagamitan ang aming tampok na pinalabas. Ibang-iba na nga talaga ang panahon ngayon, kumpara sa mga panahon ng aking mga magulang, pati na rin yung panahon noong ako’y lumalaki pa lamang. Halimbawa, sa mga laruan. Tiyak na matutuwa ang aking kapatid sa laruang ito, na lumilipad na tila helicopter pero apat ang elisi. Nang makita ko ito, naalala ko yung mga lumilipad na sasakyan sa pelikulang “Avatar”. Pero ang kakaiba nito, kontrolado ng iyong iPhone o iPad ang helicopter. At may camera pa! Yun nga lang, medyo mahal, sa ngayon.
Kung palaging problema ang paghahanap ng remote control ng inyong TV, may solusyon na ang Samsung Smart TV! Kamay mo na lang, na nakikita ng TV na ito ang kailangang gamitin para palitan ang mga channel, lakasan ang volume, i-adjust ang kulay at iba pa! At nauutusan mo pa ang TV na bumukas o sumara sa pamamagitan ng iyong boses! Wow! Kung buhay pa mga magulang ko, matutuwa ang daddy ko dahil yung TV na lang ang sisigawan ng mommy ko at hindi na siya!
Nandyan naman yung gadget na ginagamit ang kahoy o salamin ng iyong mesa para maging speaker ng laptop, iPod, iPhone o iPad! Ilapag mo lang, may malakas na speaker ka na! At problema ba ang pagkuha ng taksi? Taksing hindi ka lolokohin? May solusyon na rin para diyan na high-tech. Tatawag ka lang sa telepono at may taxi na lalapit sa kinaroroonan mo. At dahil may GPS, hindi ka na lolokohin ng taxi na kung saan-saan umiikot para lang dumagdag ang bayad sa metro.
Ano pa kaya ang hinaharap nating mga high-tech na gadget sa mga darating na taon? Kung ako ang tatanu-ngin, sana may gadget na magpapalamig ng paligid mo, kahit saan ka pumunta, na sinag ng araw lamang ang kailangan para gumana! Para malabanan ang tindi ng init ngayon! O kaya’y gadget na magpapalipad ng sasakyan, para maiwasan ang matinding trapik araw-araw! Malay n’yo, magawa nga sa loob ng 10 taon. Noong dekada otsenta, sino ang mag-aakala na puwedeng magtelepono nang walang nakakabit na linya, kahit saan ka pa sa mundo, di ba?
- Latest
- Trending